Isang kaibigan ang nagtanong sa akin hinggil sa benepisyong maaari niyang makuha sa SSS matapos magkaroon ng retrenchment sa kanilang kumpanya kung saan isa siya sa mga tinanggal sa trabaho.
Maliban sa aking kaibigan, may isa pa akong kakilala na nagtatanong din tungkol sa benepisyong ito dahil natapos na ang kanyang kontrata sa pabrikang pinapasukan.
Pareho man ang kanilang katanungan ngunit magkaiba naman ang aking itinugon dito. Una, sa kaibigan kong napasama sa retrenchment, kwalipikado siyang makakuha ng Unemployment Benefit kung mayroon siyang halos 36 buwang kontribusyon, kung saan ang 12 dito ay naibayad sa huling 18 buwan bago ang kanyang pagkakatanggal sa trabaho.
Ikalawa, dahil ang benepisyong ito ay para lamang sa mga involuntary separated o hindi inaasahan ang pagkakatanggal nila sa trabaho, hindi makakatanggap ang kakilala kong nawalan ng trabaho sa kadahilanang natapos na ang kanyang kontrata sa kumpanya. Hindi kasi kasama dito ang mga nahiwalay sa trabaho dahil natapos na ang kontrata, kusang tinanggal dahil sa serious misconduct, hindi pagsunod sa mga panuntunan o polisiya ng kumpanya, pagpapabaya sa trabaho, panlilinlang o panloloko, paggawa ng krimen o pananakit, at iba pang mga rason na kahalintulad ng mga ito.
See other columns:
Noong June 22, ipinatupad naman ang Online Application ng Unemployment Benefit sa pamamagitan ng My.SSS portal. Batay sa datos ng SSS Luzon North 1 Division, nakatanggap ang SSS Baguio ng 300 applications online samantalang 11 naman ang natanggap ng SS La Trinidad mula June 1 hanggang July 22, 2020. Karamihan sa mga aplikante ay mula sa mga kumpanyang nagsara bunsod ng corona virus disease (CoVID-19) pandemic.
Nanguna ang Luzon sa sa pinakamaraming nag-apply online. Sa katunayan, karamihan sa mga miyembrong nag-apply ay natanggap ang kanilang benepisyo sa pamamagitan ng kanilang savings account, samantalang ang ilan ay ipinadaan sa kanilang Unified Multipurpose identification (UMID) Card na naka-enrol bilang ATM at ang iba naman ay nakatanggap sa pamamagitan ng Remittance Transfer Companies o Cash Payout Outlets.
====
Napag-uusapan na din lamang ang online application, ilulunsad na rin sa hinaharap ang Online Application para naman sa SSS Pension Loan Program (PLP). Matatandaan na ang PLP ay isang programang pautang sa mga retiree pensioners.
Noong Oktubre 2019, inanunsyo ng SSS na maaaring umutang hanggang P200,000 mula sa dating P32,000 sa ilalim ng Enhanced PLP ang mga kwalipikadong pensioners. Dahil dito, maaari silang manghiram ng katumbas ng kanyang tatlong buwan, anim na buwan, siyam na buwan o 12 buwan ng kanyang basic monthly pension. Babayaran nila ito sa loob ng anim na buwan kung katumbas ng tatlong buwang pensyon, 12 buwan naman kung katumbas ng anim na buwang pensyon, at 24 buwan kung katumbas ng siyam o 12 buwang pensyon ang hiniram ng pensyonado.
Para naman makautang sa ilalim ng PLP, dapat hindi lalagpas sa 85 taon ang pensyonado sa katapusan ng termino ng pautang. Kinakailangan din na sila ay nakakatanggap ng isang buwang pensyon at aktibo ang kanilang status sa SSS. Higit na napakahalaga na wala silang natitirang balanse sa kanilang utang o benefit overpayments sa ilalim ng nakalipas na Loan Restructuring Program at Calamity Loan Assistance Program.
Hinihikayat namin ang lahat ng mga pensyonado na gumawa na ng kanilang sariling online account sa My.SSS. Nananawagan na rin kami sa kanilang mga kapamilya—lalo na ang mga aktibo nilang mga anak at apo, na turuan sina lolo at lola na maging “techie” sa panahon ng new normal para mas madali na rin silang makapag-apply sa mga benepisyo at pribilehiyong hatid ng SSS.
Kung may paksa o mga katanungan tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.
You might also like: