Dear SSS, nakatanggap ang Mama ko ng text message na nagsasabing may makukuha daw siyang P4,763.00 mula sa kaniyang employer contributions. Totoo po ba ang text na ito? May link din na kasama sa text message pero sinabi ko kay Mama na huwag munang pindutin ito. Salamat po – Marie, Baguio City
Mabuting araw sa iyo, Marie. Maganda na humingi ka muna ng kumpirmasyon sa SSS bago i-click ang nasabing link. Marami nga kaming natanggap na reports tungkol sa mga miyembrong nakatanggap ng text message na nagsasabing:
“Your employer contribution in 2024 Will receive a benefit of P4,763.00. Please claim it before the 19th of this month: https://bit.ly/My-SSS.”
Nais naming linawin na ang mga nasabing text message ay hindi galing sa SSS. Ang mga lehitimong SMS notifications at advisories mula sa SSS ay hindi naglalaman ng links na dapat ninyong i-click. Talagang mapanlinglang ang scammers ngayon dahil ginagamit na rin nila ang sender name na “SSS” para sa kanilang phishing schemes. Kaya naman tama ang ibinigay mong payo sa sa iyong Mama na huwag i-tap ang link na nasa text message.
Kung sakaling makatanggap ng kaparehong text message, pinapayuhan ang mga miyembro na huwag i-click ang anumang link at burahin kaagad ang mensahe sa kanilang inbox. Kung aksidenteng nabuksan ang text message at na-click ang link, huwag magbigay ng anumang impormasyon gaya ng username at password. Kung nakapagbigay na ng mahahalagang impormasyon, magpalit agad ng password at i-report ang nasabing text message sa SSS Special Investigation Department via email sa fid@sss.gov.ph.
Pinaalalahanan din ang lahat ng miyembro na ang mga benepisyo at pribilehiyo ng SSS ay matatanggap lamang sa sandaling mag-file at maaprubahan ang ipinasa nilang claim sa kanilang My.SSS account. Samantala, ang proceeds nito ay direkta nilang matatanggap sa inirehistro disbursement account sa My.SSS Portal.
Bukod sa text messages, maging alerto rin sa mga iba’t-ibang Facebook posts na naga-alok SSS services gaya ng DAEM enrollment, UMID application o pag-proseso ng mga SSS benefits. Delikado ito dahil maaaring maliantad ang inyong mga sensitibo at personal na impormasyon tulad log-in credentials ng iyong My.SSS Account, Social Security (SS) Number at bank account details.
Hindi magsasawa ang SSS sa pagpapaalala sa lahat na maging alerto at mapanuri sa mga natatanggap na text messages. Kung mayroon kayong pagaalinlangan, mas mainam na idulog ito sa SSS branch para sa kaukulang kumpirmasyon.
Magpadala ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.