Inanunsyo ng SSS na maaaring mag-avail ng salary loan ang mga miyembro na nasalanta ng nakaraang bagyo bilang tugon sa kanilang pinansyal na pangangailangan.
Ang salary loan ay pribilehiyo ng bawat employed, self-employed at voluntary members.
Ang halaga ng maaaring mauutang ay nakadepende sa Monthly Salary Credit (MSC) ng miyembro o hanggang P40,000. Maaari silang mag-avail nito basta’t pasok sila sa mga sumusunod na qualifications.
Dapat ay hindi bababa sa 36 ang posted contribution ng miyembro, anim dito ay pasok sa huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpafile ng loan application. Halimbawa, kung ang miyembro ay mag-aapply ng salary loan ngayong Nobyembre, dapat ay mayroon siyang posted contribution mula October 2023 hanggang October 2024.
Kung ang miyembro ay nakapaghulog nang 36 hanggang 71 monthly contributions, ang maaari niyang mahiram ay katumbas ng one MSC o hanggang P20,000.00. Kung siya naman ay nakapaghulog nang 72 monthly contributions pataas, siya ay maaaring makautang ng katumbas ng two MSC o hanggang P40,000.00.
Para sa individually paying members, sila ay dapat may anim na buwang kontribusyon sa ilalim ng kasalukuyan nilang membership category bago ang buwan ng pagpa-file ng salary loan. Halimbawa, kung ang isang employed member ay nagresign sa trabaho noong September 2024, subalit ipinagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon bilang voluntary member nang sumunod na buwan, maaari pa lang siyang mag-apply ng salary loan sa April 2025.
Para mag-qualify sa salary loan, dapat ay hindi pa pinagkalooban ng final claim ang miyembro tulad ng retirement at total disability benefit. Wala rin dapat na outstanding loan balance sa kanyang salary, calamity, educational, emergency o Stock Investment Loans at updated sa pagbabayad ng Housing Loan kung nag-avail ang miyembro. Kung may outstanding loan balance sa naunang salary loan, maaari siyang mag-renew kung siya ay nakapagbayad na ng higit sa kalahati ng principal loanable amount at nasa kalahati na rin ng termino ng pagbabayad. Mahalaga rin na walang kaso sa Social Security Commission ang miyembro dahil sa pandaraya sa pagpa-file ng loans o pagpasa ng fraudulent claims sa SSS.
Kung pasok ang miyembro sa mga nabanggit na qualifying conditions, ipasa ang salary loan application online gamit ang sariling My.SSS account o SSS Mobile App. Kapag employed member ang magpa-file ng salary loan, kailangan abisuhan ang kaniyang employer na mayroon siyang salary loan application dahil kailangan nila itong i-certify online sa loob ng tatlong araw. Kung hindi na-certify ng employer, maaaring ulitin ang aplikasyon.
Matapos aprubahan ng SSS ang aplikasyon, ipapasok ang loan proceeds sa inirehistrong Unified Multi-Purpose Identification (UMID)-ATM Card o active accounts ng miyembro sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet)-participating bank.
Ang salary loan ay babayaran sa loob ng 24 months o dalawang taon. Ang monthly amortization ay nakadepende sa halaga ng naaprubahang loan. Tandaan na may one percent service fee ang salary loan at ito ay awtomatikong ibinabawas sa halaga ng inutang ng miyembro.
Sa pagbabayad ng monthly amortization, tandaan na ang Payment Reference Number (PRN) para sa loans ay available tuwing ika-pitong araw ng buwan sa “RTPL-PRN” Tab ng My.SSS Member Portal. Kapag nakalimutang bayaran ang salary loan, ito ay papatawan ng 1% penalty kada buwan.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.