Nitong Oktubre 1, 2022, inilunsad muli ng SSS ang Penalty Condonation Program for Housing Loans. Katulad ng iba’t-ibang loan programs, ang housing loan ay isa rin sa madalas na i-avail ng mga kwalipikadong miyembro.
Kaakibat ng pribilehiyong makapag-avail sa Housing Loan ay ang obligasyon ng member-borrower na bayaran ang pagkakautang sa takdang panahon. Kung kada buwan ay nakakalimutan nilang magbayad ng utang sa SSS, asahan na ang tuloy tuloy na paglaki ng interes at multa o penalty.
Ang programang ito ay pinagtibay sa bisa ng Social Security Commission (SSC) Resolution No. 648-s.2022 noong 28 Setyembre 2022 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga borrower na mabayaran ang kanilang past-due housing loan obligations ng walang penalty para mapanatili ang pag-aari ng kanilang bahay at lupa.
Layunin din nito na mabigyan ng isa pang pagkakataon ang housing loan borrowers na hindi nakapag-apply sa nagdaang mga condonation programs ng SSS para mabayaran na ang kanilang housing loan.
Sinasabing past-due ang isang housing loan kung hindi nabayaran ang monthly amortization sa nakalipas na anim na buwan mula sa date ng aplikasyon ng borrower sa loob ng condonation period.
Pasok sa penalty condonation program na ito ang past due loans sa ilalim ng Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing loan accounts, Direct Housing Loan Facility para sa Overseas Filipino Workers (OFWs)/ Worker’s Organization Members (WOMs), at Direct House Repair at Improvement Loan Programs.
Sakop ng programang ito ang lahat ng housing loan borrowers, kanilang duly designated successor/s-in-interest/legal heir/s na may past due housing loan obligations, kahit expired o hindi ang orihinal o dati pang restructured loan. Pasok din sa proramang ito ang housing loan borrowers na foreclosed ang property at sumailalim na sa auction sale na kung saan ang SSS ang winning bidder at ang Certificate of Sale ay hindi pa nakarehistro sa ilalim ng SSS housing loan programs tulad ng: Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing accounts, at Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers/ Worker’s Organization Members.
Sa ilalim ng programang ito, babayaran ng miyembro ang outstanding principal, interests at insurance dues at legal expenses sa loob ng 90 calendar days mula sa araw na natanggap ang notice of approval of application. Matapos itong bayaran sa loob ng paprubadong payment period, lahat ng unpaid penalties ay maco-condone na.
Ang mga interesado o apektadong SSS members na nais mag-avail sa programang ito ay kinakailangang magsumite ng duly accomplished na application form at magbayad ng processing fee na P500.00. Kinakailangan din na bayaran ng buo ang lahat ng pagkakautang mula sa outstanding principal, interest, insurance dues, at legal expenses sa loob ng 90 calendar days mula sa araw na natanggap ang notice of approval.
Kung sakaling hindi mabayaran sa loob ng 90 days, lahat ng unpaid balances ay magiging due and demandable na. Anumang partial payments na naibayad sa loob ng 90 calendar days period ay magiging regular payment.
May pagkakataon pang mag-apply ang ating mga miyembro hanggang December 31, 2022. Sa mga aplikante dito sa Hilagang Luzon, maaari kayong makipag-ugnayan sa Housing and Asset Management Section sa ikalawang palapag ng SSS Bldg., na matatagpuan sa Harisson Rd., Baguio City.
Sana ay samantalahin ng mga apektadong miyembro ang magandang oportunidad na ito dahil malaking bagay ang mawawalang penalty na siyang magpapagaan sa pagbabayad ng kanilang utang sa SSS.
Magpadala lamang ng email sa HYPERLINK “mailto:rillortac@sss.gov.ph” rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.