May binabanggit kasi ang lolo ko tungkol sa loan na ibinibigay niyo raw sa mga tulad nilang pensioner kaya nais niyang mag-avail sa SSS. Para makasiguro, nag-search po ako sa internet at nakita ko nga ang tungkol sa inyong Pension Loan Program. Doon ko po nakita na maganda ang programa niyong ito dahil bagamat ito ay utang ay hindi siya ganun kabigat katulad ng ibang mga nagpapa-pension loan. Maganda rin po sanang mapag-usapan ninyo ito sa inyong susunod na column. Thanks! – Angelika, Baguio City.
Mabuting Araw sa iyo, Angelika. Salamat sa iyong magandang pagtanggap sa ating Pension Loan Program. Ang PLP ay isang karagdagang loan program ng SSS at ito ay nakalaan para sa mga retiree pensioners na 85 years old pababa sa katapusan ng termino ng pautang. Para mag-qualify sa programa, dapat ay walang natitirang balanse ang pensioner sa kaniyang pagkakautang o overpayment sa ilalim ng Loan Restructuring Program, at hindi kumuha ng advance pension sa ilalim ng Calamity Assistance Package. Kahit isang buwan pa lang na tumatanggap ng pensyon ay maaari nang mag-apply ang retiree-pensioner sa PLP.
Ang halaga ng maaaring utangin sa ilalim ng PLP ay depende sa halaga ng buwanang pensyon. Maaaring katumbas ito ng tatlo, anim, siyam o 12 buwang basic monthly pension kabilang ang P1,000 dagdag benepisyo, ngunit hindi lalagpas sa maximum amount na P200,000.
Babayaran ang Pension Loan sa loob ng anim na buwan kung 3-month loan ang kinuha ng aplikante, 12 buwan naman kung six-months loan, at 24 buwan naman kung 9 o 12-months.
May ipinapataw na 10 porsyentong interes kada taon hanggang sa mabayaran nang buo ang kaniyang utang sa ilalim ng PLP. Mas mababa ito kung ikukumpara sa ilang mga pribadong kumpanyang nag-aalok ng pension loan. Ang kagandahan sa PLP ay walang kukunin na kolateral ang SSS tulad ng ATM Card ng pensioner. Bagama’t ibabawas ng SSS ang pagkakautang ng pensioner-borrower sa kaniyang buwanang pensyon, may net take-home pension pa rin siya na 47.25%. Sinisiguro ng SSS na may matatanggap pa rin sila na buwanang pension para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Simula noong May 2022, ang mga first-time pensioner-borrowers ay maaari nang makatanggap ng kanilang loan proceeds sa pamamagitan ng kanilang PESONet accredited disbursement banks. Ibig sabihin, maaari nang idaan sa kanilang bangko ang loan proceeds kung saan nila tinatanggap ang kanilang pensyon. Dati kasi ay sa pamamagitan lang ng SSS UMID Card na nakaenroll bilang ATM at UnionBank Quick cards idinadaan ang pension loan proceeds.
Nagsimula na ring tumanggap ang SSS ng PLP application ng mga first-time pensioner-borrowers via online gamit ang My.SSS account noong May 2022. Mag-log in lamang sila sa kanilang My.SSS account, piliin ang “Loan” sa ilalim ng “E-Services Tab” at i-click ang “Apply for Pension Loan”. Piliin ang Disbursement Account kung saan gustong matanggap ng pensioner-borrower ang kaniyang loan proceeds. Lalabas sa screen ang computations na pagpipilian ng pensioner-borrower at i-click ang “Submit”.
Hintayin ang notipikasyon bilang patunay na aprubado na ang pension loan application. Magpapadala rin ang SSS ng notipikasyon sa registered e-mail ng pensioner-borrower. Hintayin lamang sa loob ng three working days bago matanggap ang pension loan proceeds. Para sa mga walang internet connection o kaya ay nangangailangan ng assistance, maaaring tumungo ang mga pensioner-borrowers sa E-Center ng anumang SSS branches nationwide. Mahigpit na ipinapaalala ng SSS na huwag ibigay sa mga hindi kakilala o hindi mapagkakatiwalaang tao ang mga log-in credentials upang maiwasang mabiktima ng online scamming. Huwag ding i-entertain ang mga taong nagpapakilalang taga-SSS at nagpiprisintang tulungan kang magpasa ng Pension Loan sa SSS na may kapalit na transaction fee. Tandaan na ang mga serbisyo ng SSS ay libre at makipagtransact sa lehitimong empleyado ng aming ahensya.
Sa mga nais na mag-apply ng over the counter ay maaari pa ring tumanggap ang mga branches ng aplikasyon para dito.
Inaanyayahan namin ang lahat na na panoorin ang Facebook live discussion ng SSS, ang “USSSap Tayo” tuwing Huwbes, mula 10:00 hanggang 11:00 ng umaga sa Official Facebook Page ng SSS, ang “Philippine Social Security System-SSS.”