Noong nakaraang linggo ay matagumpay na idinaos ng SSS Baguio branch ang Pensioner’s Day. Umabot sa 200 pensyonado ang nakiisa sa aktibidad na ito na sabay sabay ginanap sa lahat ng SSS branches sa buong bansa. Bahagi pa rin ito ng pagdiriwang ng ika-65th year anniversary ng SSS kaya’t nais talaga naming maghatid ng saya hindi lamang sa mga miyembro kundi pati na rin sa ating mga pensyonado.
Bukod sa mga raffle items at tokens na tinanggap ng mga nagsipagdalo, baon din nila ang kaalaman tungkol sa Pension Loan Program (PLP) para sa mga retiree pensioners.
Bahagi ng kaganapang ito ang lecture tungkol sa PLP kung saan sa open forum ay sinagot natin ang ilang mga katanungan ukol sa mga detalye ng programang ito. Para sa mga hindi nakadalo, narito ang mga mahahalagang impormasyong tungkol sa PLP.
Kwalipikado sa programang ito ang mga retiree pensioners na 85 years old pababa sa katapusan ng termino ng pautang, walang natitirang balanse sa kaniyang pagkakautang o overpayment sa ilalim ng Loan Restructuring Program, at hindi kumuha ng advance pension sa ilalim ng Calamity Assistance Package. Kahit isang buwan pa lang na tumatanggap ng pensyon ay maaari nang mag-apply ang retiree-pensioner sa PLP.
Ang halaga ng maaaring utangin sa ilalim ng PLP ay depende sa halaga ng buwanang pensyon. Maaaring katumbas ng tatlo, anim, siyam o 12 buwang basic monthly pension kabilang ang P1,000 dagdag benepsiyo ngunit hindi lalagpas sa maximum amount na P 200,000.
Babayaran ang pension loan sa loob ng anim na buwan kung 3-month loan ang kinuha ng aplikante, 12 buwan naman kung ang kinuha ay 6 months, at 24 buwan naman kung 9 o 12-months.
May ipinapataw na 10 porsyentong interes kada taon sa pension loan hanggang sa mabayaran nang buo ang kaniyang utang. Mas mababa ito kung ikukumpara sa ilang mga pribadong kumpanyang nag-aalok ng pension loan. Ang kagandahan sa PLP ay walang kukunin na kolateral ang SSS tulad ng ATM Card ng pensioner. Bagama’t ibabawas ang pagkakautang ng pensioner-borrower sa kaniyang buwanang pensyon, may net take-home pension pa rin siya na 47.25%. Sinisiguro ng SSS na may matatanggap pa rin sila na buwanang pensyon bilang pantustos sa pang-araw araw nilang pangangailangan.
Simula nitong May 30, 2022, ang mga first-time pensioner-borrowers ay maaari nang matanggap ang kanilang loan proceeds sa pamamagitan ng kanilang PESONet accredited disbursement banks. Ibig sabihin, maaari nang idaan sa kanilang bangko kung saan nila tinatanggap ang kanilang pensyon. Dati kasi ay sa pamamagitan lang ng SSS UMID Card na nakaenroll bilang ATM at UnionBank Quick cards idinadaan ang pension loan proceeds. Simula rin nitong May 30, 2022, ang mga first-time pensioner-borrowers ay maaari nang mag-apply ng Pension Loan online gamit ang kanilang My.SSS account.
Mag-log in lamang ang pensioner sa kanyang My.SSS account, piliin ang “Loan” sa ilalim ng “E-Services Tab” at i-click ang “Apply for Pension Loan”. Piliin ang Disbursement Account kung saan gustong matanggap ng pensioner ang kaniyang loan proceeds. Lalabas sa screen ang computations na pagpipilian ng pensioner-borrower at i-click ang “Submit”.
Hintayin ang notipikasyon bilang patunay na aprubado na ang pension loan application. Magpapadala rin ang SSS ng notipikasyon sa registered e-mail ng pensioner-borrower. Hintayin lamang ng three working days bago matanggap ang pension loan proceeds.
Ganyan lang kabilis at kaginhawa ang online application ng Pension Loan Program. Para naman sa mga walang internet o hirap gumamit ng computer at gadgets, mas pinaginhawa namin ang inyong pag–aapply dahil may E-Center ang SSS branch na kung saan matutulungan ng mismong SSS employee ang pensioner na magsumite ng application online. Paalala lang ng SSS na huwag ibigay sa mga hindi kakilala o hindi mapagkakatiwalaang tao ang mga log-in credentials upang maiwasang mabiktima ng online scamming.
Sa mga nais na mag-apply ng over the counter ay maaari pa ring tumanggap ang mga branches ng aplikasyon para dito.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.