Ngayong papasok na ang bagong taong 2025, ipapatupad na ng SSS ang bagong contribution rate na 15% contribution. Ito ang huling tranche ng contribution rate adjustment alinsunod sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Ang bagong contribution rate ay isa sa mga reporma sa ilalim ng RA 11199 na naglalayong palawigin ang buhay ng SSS fund upang masiguro na makakapagbigay ito ng benepisyo sa masmahabang panahon.
Ang 15% contribution rate ay paghahatian pa rin ng employers at employee kung saan 10% magmumula sa employers, samantalang 5% naman ang magmumula sa employees. Tataas rin ang minimum at maximum Monthly Salary Credit. Mula sa P4,000 na minimum MSC, magiging P5,000 na ito at mula sa maximum na P30,000 MSC ay magiging P35,000 na ito.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga pagtaas na ito sa mga miyembro ng SSS?
Noong nakaraang linggo nabanggit natin sa ating kolum na ang SSS ay sumusunod sa defined-benefit system. Ibig sabihin nito, ang halaga ng matatanggap na benepisyo ay batay sa bilang ng naihulog na kontribusyon at monthly salary credit o ang salary level na basehan ng halaga ng nabayarang kontribusyon. Kung mas mataas ang kontribusyon, siguradong mas mataas ang matatanggap ng benepisyo.
Dahil sa pag-aadjust ng contribution rate, makakatanggap din ng mas mataas na benepisyo ang mga miyembro kapag sila ay magreretiro na sa pamamagitan ng SSS Mandatory Provident Fund. Halimbawa, ang employed SSS members na kumikita ng at least P30,000 kada buwan ay magcocontribute ng P1,500 sa kanilang SSS Mandatory Provident Fund Account. P500 ang employee’s share samantalang P1,000 naman ang share ng kanilang employers. Sa tulong ng bagong contribution rate at MSC, ang magiging kontribusyon ng member sa SSS Mandatory Provident Fund ay mula P75 hanggang P2,250 depende sa kanilang buwanang sahod. Dati kasi, ang kontribusyon ay mula P70 hanggang P1,500.
Sa mga susunod na araw, ilalabas ng SSS ang schedule ng adjusted contribution rate. Makikita kung magkano ang magiging minimum at maximum monthly contribution. Aabisuhan rin ang mga employers tungkol rito para malinaw sa kanila ang kanilang magiging bagong Employer-Employee sharing.
Para sa mga voluntary, self-employed, non-working spouse at OFW members, buong babayaran nila ang kanilang magiging buwanang kontribusyon.
Panghuli, nais ipa-abot ng buong pamunuan ng SSS ang pagbati sa lahat ng miyembro nito ng Happy New Year!
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.