Ang Sickness Benefit ay cash allowance na ibinibigay ng Social Security System (SSS) sa isang miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa pagkakasakit o sa natamong pinsala sa katawan. Ang pagsusumite ng aplikasyon para sa benepisyong ito ay ginagawa online gamit ang My.SSS account ng miyembro.
Bukod sa bilang at halaga ng kontribusyon ng miyembro, kailangan nilang sundin ang pagsusumite ng sickness notification at ang prescriptive period para sa filing nito upang makatanggap ng sickness benefit mula sa SSS.
Kung home confinement ang inirekomenda ng doktor, pinapayuhan ang employed member na abisuhan ang kaniyang employer sa loob ng limang araw mula sa araw ng pagka-confine sa bahay at magpasa ng sickness notification gamit ang kaniyang My.SSS account. Kapag natanggap ng employer ang notification mula sa empleyado, binibigay ang employer ng limang araw para ipasa ang sickness notification sa SSS gamit ang kanilang employer account sa My.SSS Portal.
Ang prescriptive period naman ay ang panahong ibinibigay sa miyembro o employer upang i-file ang kanilang sickness benefit application sa SSS.
Kapag sumailalim sa hospital confinement ang empleyado na hindi bababa sa apat na araw, siya naman ay binibigyan ng isang taon para iproseso ang kaniyang sickness benefit application.
Tandaan na hindi lamang employed members ang maaaring mag-avail ng sickness benefit dahil maging ang self-employed, voluntary, OFW o non-working spouse ay entitled din na makakuha ng benepisyong ito. Online ang kanilang application para dito.
Ang individually paying members ay magpapasa ng sickness benefit application direkta sa SSS gamit ang kanilang My.SSS Account
Tandaan na kailangang masunod ang itinalagang prescriptive period dahil kung hindi ay maaapektuhan ang halaga ng matatanggap nilanga benepisyo o maaaring maging dahilan pa ito para ma-reject ang application ng miyembro.
Halimbawa, kung ang isang empleyadong nagkasakit at pinayuhan ng home confinement mula May 1 hanggang 31, kailangan niyang magpasa ng notification sa kaniyang employer mula May 2 hanggang May 6 para mabuo ang kaniyang 31 days na compensable period. Subalit, kung halimbawang na-late magpasa ng sickness notification ang miyembro at nagawa lamang niya ito ng May 8 (dalawang araw na ang lumipas mula sa itinalagang prescriptive period), ang magiging bilang na lamang ng kaniyang compensable period ay mula May 3 hanggang 31 o kabuang 29 days na lamang.
As of December 2024, ang pinaka mababang halaga ng Sickness Benefit na binayad ng SSS ay P180. Ang karaniwang halaga ay P9,600. Ang pinakamataas na halaga ay P72,000. Ang halaga ng benepisyo ay depende sa halaga at dami ng kontribusyon at bilang ng araw ng pagkasakit.
Basahin ang SSS Circular No. 2021-019 sa https://www.sss.gov.ph/wp-content/uploads/2025/02/CI2021-019.pdf para sa karagdagang impormasyong tungkol sa pagpapasa ng Sickness Benefit Application online gamit ang My.SSS Account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.