Ang SSS Sickness Benefit ay isa sa pitong benepisyo na maaaring ma-avail ng isang member. Ito ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa pagkakasakit o may natamong pinsala sa katawan.
Online na ngayon ang pagsusumite ng aplikasyon para dito gamit ang My.SSS account ng miyembro.
Ilang beses na rin nating tinalakay ang ukol sa qualifications sa ilalim ng sickness benefit. Sa pagkakataong ito, atin namang pag-uusapan ang tungkol sa pagsusumite ng sickness notification at ang prescriptive period para sa filing ng nasabing benepisyo na dapat tandaan ng ating mga miyembro.
Ang prescriptive period ay ang panahong ibinibigay sa miyembro o employer upang i-file ang kanilang benepisyo sa SSS.
Kung home confinement ang inirekomenda ng doktor, pinapayuhan ang employed member na abisuhan ang kaniyang employer sa loob ng limang araw at magpasa ng sickness notification online gamit ng kaniyang My.SSS account. Kapag natanggap ng employer ang notification mula sa empleyado, mayroon ding limang araw ang employer para ipasa ang sickness notification ng empleyado sa SSS gamit ang kanilang employer account sa My.SSS Portal.
Kapag sumailalim sa hospital confinement ang empleyado, siya ay binibigyan ng isang taon para iproseso ang kaniyang sickness benefit application. Tandaan na isa sa requirement ng sickness benefit ay hospital confinement na hindi bababa sa apat na araw.
Hindi lamang employed members ang maaaring mag-avail ng sickness benefit dahil maging ang self-employed, voluntary, OFW o non-working spouse ay entitled din na makakuha ng benepisyong ito. Sa katunayan, binibigyan sila ng isang taon mula nang makalabas ng ospital o mabigyan ng clearance ng doctor para i-file ang kaniyang sickness benefit.
Tandaan na kailangang masunod ang itinalagang prescriptive period dahil kung hindi ay maaapektuhan ang halaga ng matatanggap na benepisyo o maaaring maging dahilan pa ito para ma-reject ang application ng miyembro.
Halimbawa, kung ang isang empleyadong nagkasakit at pinayuhan ng home confinement mula October 1 hanggang 31, kailangan niyang magpasa ng notification sa kaniyang employer mula October 2 hanggang October 6 para mabuo ang 31 days compensable period niya. Subalit, halimbawang na-late magpasa ng sickness notification ang miyembro at nagawa lamang niya ito ng October 8 (dalawang araw na ang lumipas mula sa itinalagang prescriptive period), ang magiging bilang na lamang ng kaniyang compensable period ay mula October 3 hanggang 31 o kabuang 29 days na lamang.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.