Ipinagdiriwang ang Elderly Filipino Week mula October 1 hanggang 7 bilang pagkilala sa mga mahahalagang kontribusyon ng ating mga nakatatanda sa pag-unlad ng bansa.
Bilang suporta sa kanilang kapakanan, masigasig ang SSS sa patuloy na pagbibigay ng makabuluhang benepisyo sa mga retirado sa pamamagitan ng retirement pension na malaking tulong sa kanilang pang-araw araw na gastusin. Sa pinakahuling datos ng ahensiya, halos 2.4 milyon ang retirement pensioners ng SSS.
Bukod sa Retirement Benefit, ang mga pensyonado ay maaari ring mag-avail ng Pension Loan Program o PLP. Ito’y isang loan program ng SSS para sa mga retiree pensioner na 85 years old pababa sa katapusan ng termino ng pautang. Mismong organisasyon ng mga Senior Citizen ang humiling sa SSS ng programang ito upang makaiwas ang senior citizens sa mga naglipanang “loan sharks.” May mangilan-ngilan kasing nagpapa-utang na kinakawawa ang mga pensyonado dahil sa matataas na interest rates at hindi makatarungang collateral arrangements tulad ng pagsasangla ng kanilang ATM Cards.
Idinisenyo ng SSS ang PLP sa paraang makakatulong ito sa kanilang pangangailangan nang hindi sila madedehado dahil sa malaking interes. Walang itinakdang collateral ang SSS tulad ng ATM dahil ibabawas ng SSS ang pagkakautang ng pensioner-borrower sa kaniyang buwanang pensyon. May net take-home pension pa rin sila na 47.25% dahil nais siguruhin ng SSS na may matatanggap pa rin sila na buwanang pension para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
May kaakibat din itong insurance para sa proteksyon ng pamilya ng pensyonado kung saan “deemed paid” na ang pagkakautang sakaling mamatay ang pensioner-borrower. Isa pa sa kagandahan ng programa ay maaari nang mag-apply ang retiree-pensioner sa PLP kahit isang buwan pa lang na tumatanggap ng pensyon.
Ang halaga ng maaaring utangin sa ilalim ng PLP ay depende sa halaga ng buwanang pensyon. Maaaring katumbas ito ng tatlo, anim, siyam o 12 buwang basic monthly pension kabilang ang P1,000 dagdag benepisyo, ngunit hindi lalagpas sa maximum amount na P200,000.
Babayaran ang Pension Loan sa loob ng anim na buwan kung 3-month loan ang kinuha ng aplikante, 12 buwan naman kung six-months loan, at 24 buwan naman kung 9 o 12-months. Mababa rin ang ipapataw na interest dahil 10 porsyentong lamang ito kumpara sa mga pribadong nagpapa-utang.
Para mag-qualify sa programa, dapat ay walang natitirang balanse ang pensioner sa kaniyang dating pagkakautang o over payment sa ilalim ng Loan Restructuring Program, at hindi kumuha ng advance pension sa ilalim ng Calamity Assistance Package.
Simula noong May 2022, ang mga first-time pensioner-borrowers ay maaari nang makatanggap ng kanilang loan proceeds sa pamamagitan ng kanilang PESONet accredited disbursement banks. Ibig sabihin, maaari nang idaan sa kanilang bangko ang loan proceeds kung saan nila tinatanggap ang kanilang pensyon. Dati kasi ay sa pamamagitan lang ng SSS UMID Card na nakaenroll bilang ATM at UnionBank Quick cards idinadaan ang pension loan proceeds.
Nagsimula na ring tumanggap ang SSS ng PLP application ng mga first-time pensioner-borrower via online gamit ang My.SSS account noong May 2022. Mag-log in lamang sila sa kanilang My.SSS account, piliin ang “Loan” sa ilalim ng “Loans Tab” at i-click ang “Apply for Pension Loan”. Piliin ang Disbursement Account kung saan gustong matanggap ng pensioner-borrower ang kaniyang loan proceeds. Lalabas sa screen ang computations na pagpipilian ng pensioner-borrower at i-click ang “Submit”.
Hintayin ang notipikasyon bilang patunay na aprubado na ang pension loan application. Magpapadala rin ang SSS ng notipikasyon sa registered e-mail ng pensioner-borrower. Hintayin lamang sa loob ng three working days bago matanggap ang pension loan proceeds. Para sa mga walang internet connection o kaya ay nangangailangan ng assistance, maaaring tumungo ang mga pensioner-borrowers sa E-Center ng anumang SSS branches nationwide. Mahigpit na ipinapaalala ng SSS na huwag ibigay sa mga hindi kakilala o hindi mapagkakatiwalaang tao ang mga log-in credentials upang maiwasang mabiktima ng online scamming. Huwag ding i-entertain ang mga taong nagpapakilalang taga-SSS at nagpiprisintang tulungan kang magpasa ng Pension Loan sa SSS na may kapalit na transaction fee. Tandaan na ang mga serbisyo ng SSS ay libre at makipagtransact sa lehitimong empleyado ng aming ahensya.
Sa mga nais na mag-apply ng over the counter ay maaari pa ring tumanggap ang mga branches ng aplikasyon para dito.
***
Maraming salamat sa lahat ng ating retirement pensioners na nagbahagi ng kanilang “Kwentong Pensyonado” at congratulations sa lahat ng nanalo. Nakakataba ng puso na mabasa ang mahalagang naitulong ng aming programa sa kanilang pangangailangang pinansyal gaya ng pang-araw-araw na gastusin, pagpapaayos ng kanilang tahanan at puhunan sa kanilang negosyo. Kayo ang aming magiging inspirasyon para mas pagandahin pa ang serbisyo at programa hindi lamang sa aming pensionado kundi pati na rin sa mga manggagawang Pilipino.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.