Ang Social Security System ay ang social insurance provider ng mga manggagawa sa pribadong sektor samantalang ang GSIS o Government Service Insurance System ay para naman sa mga kawani ng gobyerno. Subalit, may mga manggagawa sa gobyerno ang hindi sakop ng GSIS – sila ay ang mga temporary ang employment status tulad ng mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) workers.
At dahil isa sa polisiya ng SSS na mabigyan ng pangkalahatang proteksyon ang bawat manggagawa, sinakop na rin ng SSS ang lahat ng mga JO at COS worker na nasa iba’t-ibang sangay ng gobyerno tulad ng local government units (LGU), state universities and colleges (SUCs), national government agencies (NGAs) at local water districts (LWDs). Ito ay sa pamamagitan ng KaSSSanga Collect Program o KCP kung saan nakikipagkasundo ang SSS sa mga sangay ng pamahalaan para irehistro ang kanilang mga JO at COS workers bilang self-employed member, at iremit ang kanilang contributions na kinolekta mula sa kanilang buwanang sahod o salary deduction scheme.
Sa KCP, masisigurong naireremit kada buwan ang kanilang kontribusyon sa SSS na siyang makakatulong upang sila ay magqualify sa SSS benefits gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, death and funeral, pati loan privileges tulad ng salary at calamity loan.
Dahil sila ay kabilang sa Self-Employed category, ang JO at COS workers ay makakatanggap ng karagdagang benepisyo mula sa Employees Compensation Program (ECP) sa panahong sila ay magkasakit, mabalda o mamatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Kung sakaling sila ay maging regular na kawani na ng gobyerno, maaari pa rin nilang ipagpatuloy ang paghuhulog ng SSS contribution bilang voluntary member habang sila ay covered na ng GSIS.
Kung sila naman ay lumipat sa pribadong sektor, “employed” na ang kanilang magiging membership category sa SSS. Ang inihulog nilang kontribusyon noong sila ay JO o COS worker pa ay hindi mawawala sa kanilang record bagkus ito ay maisasama sa bilang ng kanilang kabuuang buwanang kontribusyon.
Sa Martes, August 20 ay pormal na lalagdaan ni SSS President and CEO Rolando Macasaet at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang isang kasunduan para sa pagsakop sa ilalim ng KCP ang mahigit 100 JO at COS workers ng Baguio City. Ito ay karagdagan sa nauna nang 2,000 JO at COS workers mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno dito sa lungsod na nasakop sa tulong ng programa.
Ang KCP ay isa lamang sa napakaraming patunay na ang SSS ay nagbibigay ng “universal at equitable social protection” sa bawat manggagawang Pilipino. Kahit ano pa man ang kalagayan at katayuan sa buhay ay mapagkakalooban ng pantay-pantay na proteksyong SSS.
Para sa mga sangay ng gobyerno na nais matulungan ang kanilang mga JO at COS pagdating sa kanilang social security, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programang ito, bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.