Noong April 30, 2024, isang araw bago ang pagkilala sa mga manggagawa o Labor Day, nagsagawa ang SSS ng nationwide RACE o Run After Contribution Evaders campaign.
Sa isinagawang kampanya, naghain ang SSS ng show cause order sa mahigit 1,200 employers sa buong bansa na hindi tumatalima sa kanilang mga legal na obligasyon sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Umabot sa P335 milyon ang halaga ng contribution delinquencies ng mga nasabing employers kung saan humigit kumulang na 19,000 empleyado ang apektado dito.
Nakasaad sa show cause order na kinakailangang magpunta ang mga employer sa SSS branch na nakakasakop sa kanila sa loob ng 15 days mula nang matanggap ang sulat upang magpaliwanag kung bakit hindi sila maaaring sampahan ng kaso at makipag-ugnayan na rin upang matulungan sila sa pagbabayad ng kanilang mga delinquencies.
Ang SSS RACE Campaign ay inumpisahan noong 2017 bilang pagpapa-alala sa mga employers na may tungkulin silang dapat gampanan sa kanilang mga empleyado bilang kabalikat sa pagbibigay ng social security protection. Base sa RA 11199 may apat na tungkulin ang mga employers.
Una, irehistro ang negosyo sa SSS sa pamamagitan ng online o sa aming opisyal na website, ang sss.gov.ph. Pangalawa, responsibilidad ng employer na i-report ang kaniyang mga empleyado sa SSS sa loob ng 30 days o isang buwan mula sa hiring date.
Pangatlo, i-remit ang SSS contribution ng empleyado sa SSS. Hindi ito natitigil sa pagkaltas mula sa sweldo ng empleyado ang kaniyang SSS contribution. Dapat ay may share din ang employer at i-remit ang buong halaga sa SSS. Ngayong taon, nasa 14% ang contribution rate sa SSS, at pinaghahatian ito ng employer (8.5%) at employee (5.5%).
Pang-apat, responsibilidad ng employer na i-update nang tama ang mga payroll, collection list, employment records at iba pang dokumento na may kinalaman sa SSS. Maliban dito, kailangan nila itong maipakita sa SSS kung sakaling hanapin para masagot ang kanilang mga katanungan o paglilinaw ukol sa SSS membership bilang isang employer o kaya naman ang SSS membership ng kanilang empleyado.
Ang mga employers na patuloy sa pagsawalang bahala ng kanilang pagkukulang ay i-eendorse sa SSS Legal Department para sampahan sila ng kaukulang kaso sa korte. May kaakibat na criminal at civil liability kasi ang sinomang employer na hindi makakasunod sa kanilang mga legal na obligasyon.
Sa ilalim ng batas maaari silang makulong mula 6 at isang araw hanggang 12 taon at magbayad ng kaukulang multa na aabot sa P5,000 hanggang P20,000.
Ang RACE campaign ay hindi pagpapahiya o pananakot sa mga employers bagkus ito ay hakbang para matulungan silang maaayos ang kanilang mga pagkukulang. Tinuturing na ka-partner ng SSS ang mga employer sa pagbibigay ng proteksyon sa kanilang mga manggagawa kaya marapat lamang na sila ay tulungan.
Para naman sa mga empleyadong may problemadong mga employer, isipin ninyo na karapatan ninyo ang magkaroon ng social security protection. Kung sakaling hindi ito pinapahalagahan ng inyong employers, maaaring magsadya lamang sa aming tanggapan at tutulong kaming ayusin ito ng inyong employer.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.