Isa sa membership categories sa SSS ay ang Self-Employed membership. Sila ang mga indibidwal na nagta-trabaho at kumikita ngunit walang employer. Pasok sa self-employed membership ang mga magsasaka, mangingisda, market vendors, public utility vehicle drivers, online sellers, gayundin ang mga self-employed professionals tulad ng mga doktor, abogado, inhenyero, at iba pang mga manggagawang walang employer-employee relationship.
Dito pa lang, makikita natin na seryoso ang SSS na maisakatuparan ang layunin nitong makapagbigay ng social security protection sa lahat. Wala itong pinipiling edad, estado sa buhay, o kaya may pormal mang trabaho o wala ang miyembro. Basta’t naghuhulog ng kontribusyon, tiyak na may matatanggap na benepisyo.
Maliban lamang sa Unemployment Benefit, ang Self-Employed members ay maaaring makatanggap ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death at Funeral Benefits at mag-avail ng Salary Loan at Calamity Loan. Simula noong September 2020, covered na rin sila ng Employees’ Compensation (EC) Program. Maaari rin silang makatanggap ng karagdagang benepisyo kung konektado sa kanilang trabaho ang kanilang pagkakasakit, pagkabalda o pagkamatay.
Ang halaga ng kontribusyon ay nakadepende sa buwanang kita o monthly earnings ng miyembro. Sa ilalim ng SSS Circular 2022-034, ang minimum monthly contribution ng isang Self-Employed member ay P570.00. Mula rito, ang P560.00 ay mapupunta sa regular Social Security (SS) contribution, at P10.00 naman ay mapupunta sa EC contribution. Ang maximum monthly contribution naman ay P4,230.00. Mula rito, P2,800 ay para sa SS contribution, P30.00 para sa EC contribution, at P1,400 para sa Mandatory Provident Fund o WISP.
Katulad din ng iba pang membership category, ang mga Self-Employed ay kinakailangang magkaroon ng sariling My.SSS account para makita nila ang detalye ng kanilang kontribusyon, loans, at personal information. Dito na rin sa My.SSS account sila maaaring magtransact at mag-apply ng kanilang mga benefit at loan applications, enrollment ng Disbursement Account at mag-update ng mga simpleng rekords.
Sa mga miyembrong nais lumipat sa Self-Employed category, gaya ng employed members na nahiwalay na sa trabaho at nagtayo na lamang ng sariling negosyo o mga nasa ilalim na Voluntary membership na may sarili nang pinagkakakitaan, mag-fill out ng Member Data Change Request form o SSS E-4 at punan ang bahaging “Change Membership Type.” Piliin ang kasalukuyang membership at i-check ang “To: Self-Employed” at isulat ang uri ng negosyo, taon kailan ito nagsimula at ang buwanang kita o monthly earnings. Isumite ito sa SSS branch para maitakda ang iyong Monthly Salary Credit kung saan ibabase ang iyong magiging monthly contribution. Ang SSS E-4 Form ay available sa SSS branches o kaya ay downloadable sa SSS Website www.sss.gov.ph.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.