Happy New Year!
Sa pagpasok ng bagong taon, ating pag-usapan ang tungkol sa Self-Employed membership category.
Ang mga indibidwal na nagta-trabaho at kumikita ngunit walang employer ay sakop bilang Self-Employed members. Halimbawa nito ay mga magsasaka, mangingisda, nagtitinda sa palengke, PUJ/PUB/Tricycle drivers, online sellers, mga nagma-may ari ng sari-sari stores at iba pang mga naghahanap-buhay na walang employer-employee relationship o walang mga amo. Kasama rin sa kategoryang ito ang mga nasa propesyonal na sektor tulad ng mga doktor, abogado, inhenyero, at dentista.
Bakit kailangan nilang maging miyembro ng SSS? Mandato kasi ng SSS ang bigyan ng social security protection ang lahat ng mga mangagawa, ano man ang kanilang estado sa buhay, may pormal man o walang pormal na trabaho.
Ang Self-Employed members ay makakatanggap ng anim na benepisyo mula sa SSS. Dahil ang Unemployment ay para lamang sa Employed members, ang Self-Employed members ay maaaring makatanggap ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death at Funeral Benefits at mag-avail ng Salary Loan at Calamity Loan. Simula noong September 2020, ang self-employed members ay sakop na rin ng Employees’ Compensation (EC) Program. Maaari na silang makatanggap ng karagdagang benepisyo kung konektado sa kanilang trabaho ang kanilang pagkakasakit, pagkabalda o pagkamatay.
Nitong taong 2025 ay ipinatupad na ang huling tranche ng contribution increase. Nadagdagan ng isang porseyento ang contribution rate kaya mula sa 14% noong taong 2023 at 2024 ay naging 15% na ngayon. Ito ay alinsunod sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2019.
Ang halaga ng kontribusyon ng isang Self-Employed member ay nakadepende sa kaniyang idedeklarang buwanang kita o monthly earnings. Dahil nga sa paggalaw ng contribution rate ngayong taon, ang minimum monthly contribution ng Self-Employed member ay P760.00. Ang halagang P750.00 ay mapupunta sa kaniyang regular Social Security (SS) contribution, at P10.00 naman ay mapupunta sa kaniyang EC contribution. Ang maximum monthly contribution naman ay P5,280.00. Mula rito, P3,000.00 ay para sa SS contribution, P30.00 para sa EC contribution, at P2,250.00 para sa SSS Mandatory Provident Fund.
Bilang isang Self-Employed, kailangan ding magkaroon ng sariling My.SSS account ang miyembro. Dito ay maaari silang magtransact online gaya ng pagpapasa ng benefit at loan applications. Ngayong taong 2025, asahan ang patuloy na enhancements sa online portal para na rin sa ikagiginhawa at ikabibilis ng mga transaksyon ng mga miyembro.
Para sa mga miyembrong nais lumipat sa Self-Employed category, gaya ng employed members na nahiwalay na sa trabaho at nagtayo na lamang ng sariling negosyo o mga nasa ilalim na Voluntary membership na may sarili nang pinagkakakitaan, mag-fill out ng Member Data Change Request form o SSS E-4 at punan ang bahaging “Change Membership Type.” Piliin ang kasalukuyang membership at i-check ang “To: Self-Employed” at isulat ang uri ng negosyo, taon kung kailan nagsimula ang negosyo, at buwanang kita o monthly earnings. Isumite ito sa alinmang SSS branch na malapit sa inyong lugar para maitakda ang iyong Monthly Salary Credit kung saan ibabase ang iyong magiging monthly contribution. Ang SSS E-4 Form ay downloadable sa SSS Website www.sss.gov.ph at available sa SSS branches.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.