Hinahangad ng SSS ang magkaroon ng social security protection ang lahat ng manggagawang Pilipino maging sila ay namamasukan sa pribadong sektor, Overseas Filipino Workers (OFWs), mga kasambahay, mga non-working spouse, pati na rin ang mga nasa informal economy sector.
Sino ba ang maituturing na self-employed? Sila ang mga indibidwal na nagtatrabaho o kumikita ngunit walang silang employer. Sa pananaw ng SSS, sila ay parehong employer at empleyado. Ang halimbawa nito ay ang mga magsasaka, mangingisda, market vendors, public utility vehicle drivers, at online sellers.
Itinuturing din na mga self-employed ang mga propesyunal tulad ng ilang doktor, abogado, inhenyero, job order (JO) at contract of service (COS) workers sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga manggagawang walang employer-employee relationship.
Ano naman ang kahalagahan ng pagiging SSS member para sa mga self-employed worker? Maaari silang makatanggap ng iba’t ibang benepisyo gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death. Maaari rin silang makapag-avail ng salary at calamity at pension loan kapag naging retirement pensioner na sila.
Simula noong Setyembre 2020, covered na rin ng Employees’ Compensation (EC) Program ang self-employed members kung saan maaari silang makatanggap ng karagdagang benepisyo, bukod sa SSS benefits, kung konektado sa kanilang trabaho ang kanilang pagkakasakit, pagkabalda o pagkamatay.
Para sa mga miyembrong magpaparehistro sa SSS bilang self-employed member, mag-fill out ng Member Data Change Request form o SSS E-4. Punan ang bahaging “Change Membership Type upang piliin ang kasalukuyang membership at i-check ang “To: Self-Employed.” Matapos nito ay isulat ang uri ng negosyo, taon kailan ito nagsimula, at ang buwanang kita o monthly earnings. Isumite ito sa SSS branch upang malaman ang iyong Monthly Salary Credit na siyang magiging basehan ang iyong SSS contribution. Ang SSS E-4 Form ay downloadable sa SSS website www.sss.gov.ph at available sa SSS branches.
Laging tandaan na ang mga naitalang kontribusyon ng miyembro ang isa sa ginagamit na batayan ng SSS sa pagbibigay ng benepisyo o loan. Kaya naman hinihimok namin ang self-employed members at katulad nila na regular na maghuhulog ng kanilang kontribusyon sa SSS upang matiyak na sila ay magiging kwalipikado sa mga benepisyo ng SSS sa panahon ng pangangailangan.
Sa ilalim ng contribution rate adjustment na ipinatupad ngayong taon, ang pinakamababa na monthly contribution ng isang self-employed member ay P760.00, na binubuo ng P750.00 para sa regular na social security (SS) contribution at P10.00 para naman sa EC contribution.
Samantala, ang maximum monthly contribution ay papatak ng P5,280.00, kung saan P3,000 ang iuukol sa SSS contribution, P30.00 ang mapupunta sa EC contribution, at P2,250 para sa SSS Mandatory Provident Fund.
Katulad ng iba pang miyembro ng SSS, ang mga self-employed member ay kinakailangang magkaroon ng sariling My.SSS account para namo-monitor nila ang posting nga kanilang kontribusyon, loan payments at personal information.
Magagamit din ang My.SSS account sa pag-generate ng Payment Reference Number (PRN) na kinakailangan sa pagbabayad ng SSS contribution at loan amortization.
Dagdag pa rito, ang pagsusumite ng benefit claim at loan applications ay sa pamamagitan na ng My.SSS account ng miyembro. Dito rin nila matatagpuan ang pasilidad sa pag-eenroll ng kanilang disbursement account kung saan papasok ang kanilang benepisyo o di kaya’y loan proceed.
Ngayong 2025, mas lalo pang palalakasin ng SSS ang coverage at collection efforts para sa Self-Employed members. Makikipagugnayan ang SSS sa Professional Regulation Commission (PRC) upang magkaroon ng social security membership ang lahat ng self-employed professionals gaya ng accountants, doktor at inhenyero. Tuloy-tuloy din ang pakikipagusap ng SSS sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at local government units para sa social security coverage at protection ng kani-kanilang Job Order at Contract of Service Workers sa ilalim ng KaSSSanga Collect Program.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.