Plano ni Senator Pia Cayetano na magbigay ng mga amyenda sa kasalukuyang vape law, na ayon sa kanya ay may mga kahinaan at masamang epekto sa kalusugan ng publiko.
Sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, January 18, pinuna ni Cayetano ang Republic Act 11900 dahil inilipat nito ang kapangyarihan sa pagreregula mula sa Food and Drug Administration (FDA) ng Department of Health (DOH) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ang Republic Act 11900, na kilala bilang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ay naipasa noong July 2022 at nagtatakda ng mga regulasyon sa pagbebenta, paggamit, at distribusyon ng mga vaping products.
“Kahit i-Google niyo ang DTI, may mandate ba sila sa health? I always ask DTI, what is your competence?” sabi ni Cayetano, na siya ring chair ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Cayetano, ang tanging kaalaman ng DTI tungkol sa isyung ito ay sa pagtetest ng mga vaping devices. Ngunit ayon din sa senador, ang nilalaman ng mga vaping devices na ito ay ibang usapin at wala aniyang kakayahan ang DTI na suriin.
“To be able to test properly, you need pharmacists, nurses, toxicologists, experts on classification of chemicals, addiction specialists, and even pediatrics,” sabi niya.
Nang tanungin ang senador kung dapat bang baguhin ang nasabing batas, sinabi ni Cayetano na ito ay bahagi ng kanyang mga findings sa Senate Blue Ribbon Committee.
“May mga bills na akong naka-file,” aniya.
Nangako rin si Cayetano na patuloy niyang itataguyod ang mas mahigpit na regulasyon sa mga vaping at tobacco products.
“I will fight it till the end, when I find the right allies and we can pass a new law. If not, I will just continue talking about it and fighting about it,” sabi niya.