Kapansin pansin na ngayon ang pagbabago sa mga transaksyon sa SSS. Mula sa manual application, ngayon ay online na, kaya mas mabilis na ang transaksyon. Salamat sa My.SSS.
Ang My.SSS ay isang online transaction portal para sa employers, members, at pensioners. May access din dito ang coverage at collection partners para para makapag-online transaction sa SSS.
Ang unang hakbang sa pagkakaroon ng My.SSS account ay aktibong e-mail address ng miyembro. Sa e-mail kasi ipinapadala ng SSS ang notifications ng kanilang SSS transactions o anumang updates mula sa SSS na kailangang malaman ng mga miyembro.
Kapag mayroon ng e-mail address, magpunta lamang sa SSS website www.sss.gov.ph. I-click ang MEMBER kung individual member, EMPLOYER kung ang gagawing My.SSS account ay employer’s account, at COVERAGE AND COLLECTION PARTNER (e.g. KaSSSangga Collect o SSS-Accredited Partner Agent).
Para makagawa ng My.SSS Member Account, i-click ang MEMBER para i-redirect ang user sa isang template kung saan kinakailangan i-click ang REGISTER na makikita sa bandang ibaba. May lalabas na notification patungkol sa “Reminders.” Piliin ang “I CERTIFY” at “PROCEED.” Sagutan ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang mga may pulang marka. Matapos nito, pindutin ang SUBMIT at abangan ang e-mail notification sa rehistradong email address.
Mula sa ipinadalang e-mail ng SSS, gumawa ng password at i-encode ang huling anim na numero ng Social Security (SS) Number. Kapag naging successful ang step na ito, ireredirect na ang miyembro sa kanyang My.SSS account dashboard at pasasagutan ng Security Questions para maverify ng SSS ang identity ng miyembro sakaling makalimutan nito ang kaniyang password.
Kung natanggap na ng system ang sagot sa Security Questions, babalik ito sa member account dashboard at makikita rito ang litrato, pangalan, SS Number at petsa kung kailan papalitan o i-update ang account password ng member.
Makikita rin sa dashboard ang drop-down menu ng iba’t-ibang SSS online transactions. Sa “MEMBER INFO” makikita ang Member Details, Update Contact Info, Change password, Employment History, Appointment System, UMID/SSS ID Details at Update Security Questions. Sa “INQUIRY,” nariyan ang Benefits, Contributions, Eligibility, Loan Info at RTC/CPO Reference Number Inquiry.
Sa “BENEFITS” drop-down, maaari kang magsubmit ng iba’t-ibang applications online na hindi na kailangang pumunta sa opisina ng SSS. Nariyan ang pagsusumite ng Sickness at Maternity Notification, pagapapasa ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death, at funeral benefit application, pati na rin ang request for adjustment ng sickness at maternity benefit.
Susunod sa drop-down menu ay ang “LOANS.” Dito ay maaari silang mag-apply ng Pension Loan at Consolidation of Past Due Short-Term Member Loan with Condonation of Penalty Program.
Sa “SERVICES” drop-down menu naman, dito nila i-eenrol ang kanilang disbursement account/s para doon idedeposito ng SSS ang kanilang benepisyo o loan. Makikita rin sa Service Menu ang kanilang Membership Records. Makakapag-enrol din sila sa WISP Plus at Auto Debit Arrangement.
Kung nais naman magbayad ng contribution at loans online o sa pamamagitan ng iba’t-ibang electronic wallets, i-click ang PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN) para sa contribution at loans para mabigyan ka ng PRN na siyang gagamitin sa pagbabayad sa Gcash, Maya, BPI o Debit/Credit Card.
Para sa mga miyembro na wala pang My.SSS account, bukas ang E-centers ng SSS branches para i-assist ang miyembro sa inyong registration. Makipag-ugnayan din muna sa inyong barangay at baka may SSS E-Center na sa loob ng kanilang opisina. I-aassist kayo ng barangay personnel para makagawa kayo ng My.SSS Account. Tandaan na libre ang aming serbsiyo at nakakasiguro kayong ligtas ang inyong mga impormasyon sa SSS E-Centers.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.