Ilang buwan nang limitado ang ating galaw dahil sa umiiral na community quarantine. Subalit, hindi ito naging hadlang sa SSS para magbigay ng serbisyo sa ating mga miyembro. Simula nang magbukas ang SSS Baguio branch at iba pang sangay ng SSS dito sa Northern Luzon, dumagsa ang mga miyembro natin upang mag-file ng iba’t-ibang benefit applications at magtanong hinggil sa kanilang SSS membership. Isa sa malimit itanong sa ating information counter dito sa branch ay ang tungkol sa mga beneficiaries. Sinu-sino ba ang legal beneficiaries ng isang SSS member? Kaya’t sa column natin ngayon ay ito ang ating tatalakayin.
Kapag tayo ay kumukuha ng Social Security (SS) number at nag-fill out ng SSS Form E-1 o ang Personal Record Form, hinihingi doon na isulat ang ating mga dependent o beneficiaries.
Mahalagang malaman ng mga miyembro kung sino ang kanilang benepisaryo dahil sila ang makikinabang sa mga benepisyo ng miyembro pagdating ng panahon.
See more SSS: Serbisyong Sulit na Sulit
Paalala sa mga SSS pensioners: ACOP suspension
Ang SSS Calamity Assistance Program (CLAP) SA panahon ng pandemya
Frequently asked questions sa SSS ngayong quarantine period
Batay sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, may sinusunod tayong order o hierarchy ng mga beneficiaries. Ito ang pinagbabatayan ng SSS kung sino ang mga ligal na benepisyaryo ng miyembro na maaaring tumanggap ng kanilang mga benepisyo lalo na sa ilalim ng Death Benefit Program.
Una rito ang primary beneficiaries. Kabilang dito ang ligal na asawa at mga anak na menor de edad o 21 taong gulang pababa, sila man ay lehitimo, ilehitimo, pinalehitimo, ligal na ampon at maging mga anak na may inborn o congenital disease kasama na ang mga physically at mentally incapacitated na anak na lagpas 21 taong gulang ay kasama sa kategoryang ito.
Ang secondary beneficiaries naman ay mga magulang ng miyembro. Sila ang madalas na benepisyaryo ng mga miyembrong walang primary beneficiaries, walang asawa at mga anak.
Paano naman kung ikaw ay single at wala na ring mga magulang? Dito pumapasok ang ikatlong kategorya kung saan maaaring magtalaga ang miyembro ng kanyang designated beneficiaries. Sila ay maaaring mga kapatid o kamag-anak ng miyembro na tinatawag natin na blood relatives.
Ang ika-apat at huling kategorya naman ay ang ang tinatawag na legal heirs o mga ligal na tagapagmana. Maaari din itong malapit na kamag-anak ng miyembro na naaayon sa mga itinakdang probisyon sa ilalim ng Civil Code of the Philippines.
Ang pangalawang katanungan naman, ano ang mga benepisyong matatanggap nila?
Kung ang namatay na miyembro ay nakapaghulog ng 36 buwang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, makatatanggap ng death pension ang kanyang primary beneficiaries. Ang ligal na asawa ay makatatanggap ng panghabambuhay na pensyon hangga’t nananatili siyang walang asawa o sinumang karelasyon. Ang halaga ng matatanggap ng benepisyaryo ay depende sa monthly salary credit ng miyembro at ang haba ng kanyang paghuhulog sa SSS o ang kanyang credited years of service (CYS).
Makatatanggap din ng dependent’s pension ang mga menor de edad na anak ng namatay na miyembro. Katumbas ito ng 10% ng monthly pension o kaya naman ay P250 kada bata, alinman ang mas mataas. Ang benepisyong ito ay para lamang sa limang dependent children at walang kaukulang substitution. Kung sakaling may lehitimo at ilehitimong anak ang namatay na miyembro, mas bibigyang prayoridad pa rin ang pagbabayad ng dependent’s pension para sa mga lehitimong mga anak ng namayapang miyembro.
Kung walang primary beneficiary ang miyembrong namatay, lumpsum naman ang matatanggap ng kanyang secondary, designated o legal heirs.
Para naman sa mga miyembrong namatay na wala pang 36 buwan ang naihulog na kontribusyon, ang kanyang primary, secondary, designated o legal heirs ay makatatanggap lamang ng lump sum benefit.
===
Patuloy pa rin pong ipinapaalala sa ating mga miyembro na online ang pag-apply ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at Unemployment Benefit. Mag-log in lamang sa www.sss.gov.ph upang makapagrehistro ng sariling account sa My.SSS. Ang account na ito ang siya namang gagamitin sa lahat ng online transactions nila sa SSS.
===
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph
###
You might also like:







