Isa sa landmark provisions ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018 ay ang pagbibigay ng Unemployment Insurance o Involuntary Separation Benefits na mas kilala sa Unemployment Benefit Program ng Social Security System (SSS), simula March 6, 2019.
Nagsisilbi itong karagdagang layer ng social security protection sa mga miyembro ng SSS dahil sa panahon na sila ay inboluntaryong matanggal sa kanilang mga trabaho ay may matatanggap silang tulong pinansyal upang magamit nila habang sila ay naghahanap muli ng bagong pagkakakitaan. Dagdag din ito sa anim na benepisyo na karaniwang ipinagkakaloob ng SSS tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death.
Sinu-sino nga ba ang qualified na makatanggap ng unemployment benefit? Magkano ba ito? Kailan ito dapat i-file? Iyan ang ating tatalakayin ngayon sa column na ito.
Ang unemployment benefit ay cash benefit na ibinibigay sa mga covered employees o iyong mga miyembro na mayroong employer, kabilang ang mga kasambahay, at Overseas Filipino Workers na inboluntaryong natanggal sa trabaho.
Ipinagkakaloob ito ng hindi hihigit sa dalawang buwan at ang bawat monthly payment ay katumbas ng 50% ng average monthly salary credit (AMSC) ng miyembro. Halimbawa, ang miyembro ay may P16,000 AMSC, dahil ang 50% nito ay P8,000, ang halaga ng benepisyo na matatanggap niya para sa dalawang buwan ay P16,000.
Para makakuha ng nasabing benepisyo, ang miyembro ay dapat mayroong 36 monthly contributions, kung saan ang 12 ay nabayaran sa loob ng 18-month period bago ang buwan ng inboluntaryong separasyon sa trabaho.
Ang edad ng miyembro ay hindi dapat humigit sa 60 sa panahon na nangyari ito, pero kung siya ay underground o surface mineworker, hindi dapat ito lalagpas sa 50, at 55 naman kung siya ay racehorse jockey.
At dahil nga ito ay involuntary separation benefit, kailangan na ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ng miyembro ay hindi niya kagustuhan. Ilan dito ay ang authorized causes for termination of employee na isinasaad sa Articles 298 (283) at 299 (284) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended. Halimbawa nito ay ang installation ng labor-saving devices; closure o pagtigil ng operation; pagkakasakit kung saan ang patuloy na pagtatrabaho ng empleyado ay ipinagbabawal sa batas o makakasama sa kanyang kalusugan o ng kanyang mga katrabaho; at iba pa.
Kasama rin sa mga tinatanggap na rason ng unemployment ang just causes na nakapaloob sa Article 300 ng Labor Code of the Philippines, as amended, kung saan maaari niyang wakasan ang kanyang employment relationship nang walang abiso sa kanyang employer. Halimbawa nito ay serious insult mula sa employer o ng representative niya sa dangal o katauhan ng empleyado, hindi makatao o hindi katanggap-tanggap na pagtrato ng employer o ng representative niya, at iba pang kahalintulad na mga sitwasyon.
Maaari ring tanggapin ng SSS ang economic downturn, natural o human-induced calamities o disasters, at iba pang kondisyon na pinapahintulutan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng SSS.
Samantala, hindi naman kwalipikadong makatanggap ng unemployment benefit ang miyembro kung ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ay dahil sa just causes na isinasaad sa Article 297 (282) ng Labor Code of the Philippines, as amended, gaya ng serious misconduct, sinasadyang hindi pagsunod sa mga makatarungang utos, gross at habitual na pagpapabaya sa mga tungkulin, at iba pa.
Mayroong prescriptive filing period ang unemployment benefit na isang taon mula sa petsa ng involuntary separation. Ngunit sa kasalukuyang pandemya na atin pang kinakaharap, ito ay pansamantalang suspendido ayon sa SSS-DOLE JMC No. 001. Dagdag dito, maaari lamang itong i-claim ng isang beses sa loob ng tatlong taon.
Ang filing ay via online sa My.SSS account ng miyembro sa www.sss.gov.ph. Inaanyayahan namin kayo na panuorin ang aming webinar tungkol sa programang ito para malaman ang kumpletong guidelines, kabilang ang step-by-step guide sa pagpa-file ng claim sa SSS Webinar Series Playlist ng aming YouTube Channel—“mysssph.” Maaari niyo rin itong basahin sa Knowledgebase Section ng https://crms.sss.gov.ph.
Makinig sa ating lingguhang programa ang “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz. Mapapanood rin ito sa live FB stream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.