Ang tanda ng isang pagiging miyembro ng SSS ay ang pagkakaroon ng Social Security (SS) Number. Ito rin ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng pagiging SSS member mo kaya dapat iisa lamang ang SS Number ng isang miyembro.
Pinapaalala ng SSS, lalong lalo na sa mga jobseekers, na importanteng may SS Number bago pa man mag-apply ng trabaho dahil ito ang isa sa mga requirements na hahanapin sa inyo ng mga employers.
Mas pinadali na ang pagkuha nito basta’t mayroon kang computer o di kaya’y smartphone na may internet access, maaari ka nang makakakuha ng SS Number online. Bisitahin ang SSS website, www.sss.gov.ph. I-click ang “Apply for an SS Number Online” upang simulan ang iyong aplikasyon.
Ida-direct ka nito sa isang webpage na dedikado ukol dito. May lalabas na guide sa screen para sa pag-fill out ng SSS E1 Form o Personal Record. Sa pagfill-out ng iyong impormasyon, papipiliin ka kung ang ire-rehistro mong pangalan ay ang iyong kumpletong pangalan, apelyido at unang pangalan lamang, apelyido lamang o unang pangalan lamang. Hindi rin maaaring mag-encode ng special characters sa pagpaparehistro.
Kung may special character man ang pangalan, aabisuhan kang magpunta nang personal sa anumang sangay ng SSS para doon magrehistro.
Matapos ilagay ang mga kinakailangang impormasyon, i-click ang “Submit.” May ipapadalang link sa registered email address upang ipagpatuloy ang aplikasyon at i-upload ang supporting documents gaya ng birth o baptismal certificate. Mahalaga na ang idedeklara mong e-mail address ay aktibo at nabubuksan mo pa. Pinapayuhan din ang aplikante na ihanda ang mga file na i-a upload at hindi dapat ito lalagpas sa 3MB ang file size.
Idouble check ang mga nilagay na impormasyon pati na rin ang supporting documents na inupload bago i-click ang “Generate SS Number” button. Matapos nito ay lalabas na sa screen ang SS Number at option na iprint/idownload ang Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip. Makakatanggap din ng email confirmation ang aplikantw na kung saan nakasaad ang kanilang SS Number at kopya ng Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip.
Tandaan na mayroong limang araw ang aplikante para ipagpatuloy ang SS Number application. Kung lumagpas sa limang araw, mababalewala ang link na ipinadala ng SSS at kinakailangan ulit magpasa ng panibagong aplikasyon.
Huwag ding kalimutang magsumite ng supporting documents tulad ng PSA Certified Birth Certificate o kaya ay Baptismal Certificate sa SSS para maging permanente ang membership status. Kung hindi ito magagawa ay ay mananatiling “temporary” ang membership status sa SSS.
Sa oras na magkaroon ng bagong employer ang miyembro, tandaan na hindi na kailangan kumuha ulit ng panibagong SS Number. Iprisinta lamang sa company representative ang SS Number para iupdate ng kumpanya ang kanilang employment records.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.