Buong buwan ng Setyembre natin ipagdiriwang ang anibersaryo ng Social Security System (SSS). Ngayong 2023 ay ang ika-66th taon ng pagkakatatag ng ahensiya na may temang “Serbisyong Mapagkakatiwalaan, Proteksyong Maaasahan.” Parte ng selebrasyon ay ang pagkilala ng SSS sa mga pribadong kumpanya, LGUs, organisasyon at indibidwal na nakikibahagi sa adhikain ng SSS na bigyan ng social security protection ang lahat. Ang taunang Balikat ng Bayan awarding ceremony ay ginanap noong ika-8 ng Setyembre sa Ramon Magsaysay Hall ng SSS Main Office sa Quezon City.
Kinilala bilang Top Employer sa Large Account Category ang Concentrix CVG Philippines, Inc. at Top Employer sa Branch Account Category ang Commscope Technologies Philippines mula sa lungsod ng Taguig. Ang mga employers na ito ay kinikilala ng SSS dahil sa kanilang masugid na pagsunod sa kanilang obligasyon sa SSS – nariyan ang pagkaltas mula sa sahod ng kanilang mga empleyado, pagbibigay ng kanilang karampatang share at pagreremit nito sa SSS bilang buwanang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Iginawad ang Best Collection Partner sa Bank of the Philippine Islands sa Universal Bank category, Bank One Savings Corporation sa Thrift Bank category at Philippine National Bank sa Overseas Bank category. Ang mga bangkong ito ang masigasig na katuwang ng SSS sa pagkokolekta ng mga contribution and loan payments ng mga miyembro.
Pagdating naman sa Best Disbursement Partner, muling kinilala ang Philippine National Bank sa Universal Bank category, Philippine Savings Bank sa Thrift Bank category, BDO Network Bank, Inc. sa Rural Bank category at RCBC Diskartech sa Digital Bank category.
Bilang pasasalamat sa mga miyembro ng media na patuloy sa pagtulong sa pagpapalaganap ng mga tama at napapanahong impormasyon at iba’t-ibang programa ng SSS, binigyan din parangal ang mga media partners sa iba’t-ibang kategorya. Hinirang na Best Print Media Partner ang Herald Express dahil sa kaniyang tuloy tuloy na paglalathala ng mga balita at abiso ng SSS para sa mga miyembro. Kinilala rin si Ms. Angie dela Cruz ng Pilipino Star Ngayon bilang Best Media Personality.
Maliban sa mga malalaking kumpanya, binigyan ring pansin ng SSS ang mga organisasyon na naging matalik nang katuwang at pinagkakatiwalaan ng SSS bilang accredited partner agents. Best Accredited Partner Agents sa Cooperative category ang SEDP – Simbag sa Pag-asenso, Inc. ng Legazpi City; ang lungsod ng Iligan bilang Best Accredited Partner Agent sa LGU category, at ang Castillejos Public Market Vendors Association ng Castillejos, Zambales bilang Best Accredited Partner Agent sa AlkanSSSya Program Partners category.
Panghuli, iginawad rin ang mga special citations sa Land Bank of the Philippines bilang Collection and Disbursement Partner, People’s Television Network, Inc. bilang Media Partner at ang mga lungsod ng Taguig at Mandaluyong bilang Local Government Unit partners.
Ang Balikat ng Bayan ay nangangahulugan na hindi lamang ang ahensiya ng SSS o ang mga empleyado nito ang siyang bumubuhay at nagpapagalaw sa ahensiya tungo sa kaunlaran. Silang mga naparangalan ngayong taon ang magpapatunay na may ambag din ang mga katulad nilang organisasyon, indibidwal at LGUs sa pagkamit ng proteksyon ng mga mamamayan. Sa kabilang dako, ano’t ano pa man, o sino pa man, nakikiisa ang lahat sa layunin ng SSS – ang makapagbigay ng serbisyong mapagkakatiwalaan at proteksyong maaasahan.
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph