Magandang araw sa inyong lahat diyan sa SSS! Itatanong ko lang po sana kung ano itong membership na non-working spouse? Baka kasi qualified ako rito. Wala po akong trabaho at kailanman ay hindi naging SSS member. Araw araw akong nagaalaga ng apat kong anak. Tanging si mister lang ang naghahanap buhay sa amin bilang restaurant supervisor. Siya lang din ang may SSS sa aming dalawa. Gusto ko rin po sanang maghulog sa SSS para kahit papano ay may matanggap din ako pagtanda ko. Maraming salamat! – Princess ng Sablan, Benguet
Mabuting araw sa iyo, Princess!
Ang Non-Working Spouse (NWS) ay isang kategoriya ng pagiging miyembro ng SSS o membership type na tutukoy sa mga ligal na asawa at walang ibang pinagkakakitaan o negosyo. Subalit, sila ang namamahala sa loob ng bahay at nag-aalaga ng kaniyang mga anak. Nais kong linawin na hindi lang limitado ang NWS membership sa mga kababaihan dahil sa panahong ito ay may mga kalalakihan na ring maituturing na homemaker.
Para makapasok sa kategoryang ito, dapat ay kasalukuyang nagtatrabaho ang asawa at aktibong nagbabayad ng SSS contribution. Ang edad ng NWS ay hindi rin dapat lalagpas sa 60 taon.
Upang maging miyembro ng SSS ang Non-Working Spouse, kinakailangang magrehistro muna siya sa pamamagitan ng pagkuha ng Social Security (SS) Number online sa SSS Website www.sss.gov.ph. Punan lamang ang mga hinihinging impormasyon tulad ng pangalan, tirahan, contact number/s at e-mail address. Balikan ang ating kolum tungkol sa pagkuha ng SS number sa link na ito: https://baguioheraldexpressonline.com/social-security-number-application/.
Kung dating miyembro na ng SSS ang non-working spouse at kumuha lamang ng SS Number o natigil sa paghuhulog ng kontribusyon, kailangan niyang i-update ang kaniyang membership status sa pamamagitan ng pag-fill out ng Member Data Change Request Form o SSS Form E4. Bukod diyan, kailangan ding maglakip ang NWS ng Marriage Certificate. Mahalagang may lagda sa SSS Form E4 ang working spouse o ang asawang may trabaho dahil ito ang magpapatunay ng kaniyang pagpayag na maging NWS member ang asawa.
Ang Monthly Salary Credit (MSC) ng NWS ay base sa kalahati o 50% ng buwanang sahod ng asawa niyang SSS member ngunit hindi dapat mas mababa sa minimum MSC ng NWS na P5,250. Halimbawa, kung ang idineklarang sahod ng working spouse ay P35,000 kada buwan, ang MSC ng NWS ay ibabase sa 17,500 MSC o P2,625 kada buwan ng kontribusyon. Kung sakaling ang 50% ng idineklarang buwanang sahod ay walang katumbas na anumang MSC base sa contribution schedule, ang susunod na pinakamataas na MSC ang magiging basehan para sa NWS contribution.
Kagaya ng iba pang SSS members mula sa magkaibang membership category, ang aktibong NWS member na regular na nagbabayad ng kontribusyon ay makakatanggap ng iba’t ibang benepisyo sa SSS tulad ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death, at Funeral. Maaari ring makapag- avail ng Salary o Calamity Loan. Kung sakaling ang NWS ay naging employed ang SSS membership status at sa di inaasahang pangyayari ay imboluntaryong natanggal sa trabaho, maaari siyang makakuha ng unemployment benefit. Kailangang tandaan na ang pagtanggap ng benepisyo at pribilehiyo ay base pa rin sa mga qualifying conditions na itinalaga ng SSS.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.