Sa SSS, lahat ng mga pangyayari sa buhay ay mapaghahandaan. Kung manganganak, may Maternity Benefit; kung magkakasakit, may Sickness Benefit; kung mahihiwalay sa trabaho, may Unemployment Benefit; kung nabalda, may Disability Benefit; kung magreretiro na sa trabaho, may Retirement Benefit; at kung pumanaw ang miyembro, may matatanggap pa ring Funeral Benefit at Death Benefit ang mga maiiwang benepisyaryo nito. Ganiyan po kalawak ang benepisyong matatanggap ng isang miyembro ng SSS basta’t pasok siya sa mga inilatag na qualifying conditions. Wala na pong ibang insurance company ang makakapagbigay ng ganiyang kadaming benepisyo.
At dahil Undas na ngayong lingo, nararapat siguro na pag-usapan natin ang SSS Death Benefit, ano ang kwalipikasyon rito at sino-sino ang mga maaaring tumanggap sa benepisyo.
Ang Death Benefit ay cash benefit na ibinibigay ng SSS sa benepisyaryo ng namatay na miyembro. Maaari itong ibigay bilang buwanang pensyon o lumpsum depende sa bilang ng naihulog na kontribusyon ng miyembro. Mahalaga sa Death Benefit Claim ay makilala kung sino ang nararapat na benepisyaryo. Sa SSS, may sinusunod na Order of Priority, alinsunod na rin sa probisyon na nakalatag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 at Family Code of the Philippines. Ang Order of Priority ay: Primary, Secondary, Designated Beneficiary at Legal Heirs.
Ang primary beneficiary ay ang ligal na asawa at anak na menor de edad o 21 taong gulang pababa, sila man ay lehitimo, pinalehitimo, ligal na ampon at maging mga anak mula sa pagkadalaga/pagkabinata. Samantala, ang mga anak na may congenital disease na napatunayang na-acquire noong menor de edad pa sila, pati ang mga physically at mentally incapacitated na anak na lagpas 21 taong gulang ay kinikilala rin bilang primary beneficiary.
Kung walang primary beneficiary, saka lamang natin ikokonsidera ang secondary beneficiary. Sila ay ang mga magulang ng namatay na miyembro. Sa katunayan, sila ang itinuturing na benepisyaryo ng mga single na miyembro at walang anak.
Kung halimbawang single ang miyembro at wala na ring mga magulang, kailangan nilang magtalaga ng designated beneficiary. Sila ang mga malalapit na kamag-anak o kaibigan. Ang ika-apat at huli sa order of priority ay ang tinatawag na legal heirs o ang legal na tagapagmana.
Pagdating naman sa halaga ng matatanggap na death benefit, nakadepende ito sa halaga at bilang ng kontribusyon, gayundin ang Credited Years of Service (CYS) ng pumanaw na miyembro. Kung nakapaghulog ang miyembro ng 36 buwang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, makatatanggap ng death pension ang kanyang beneficiaries.
Makatatanggap din ng dependent’s pension ang mga menor de edad na anak ng namatay na miyembro. Ito ay katumbas ng 10% ng monthly pension o kaya naman P250, alinman ang mas mataas. Ang benepisyong ito ay para lamang sa limang dependent children. Kung sakaling mayroong lehitimo at ilehitimong anak ang namatay na miyembro, mas binibigyang prayoridad ang lehitimong anak.
Kung walang primary beneficiary ang namatay na miyembro, lumpsum naman ang matatanggap ng kanyang secondary, designated o legal heirs.
Para naman sa mga miyembrong namatay ng wala pang 36 buwan ang naihulog na kontribusyon, ang kanyang primary, secondary, designated o legal heirs ay makatatanggap ng lump sum benefit.
Sa susunod na kolum ay pag-usapan natin kung paano ang proseso ng pag-file ng Death Benefit Claim at kung ano-ano ang mga kinakailangang dokumento para dito.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.