Nang magsimula ang digitalization sa SSS, hindi na ito maawat sa paglunsad ng iba’t-ibang mga programang makapagbibigay ng mas mabilis, mas ligtas at mas madaling paraan ng pakikipagtransaksyon dito.
Noong nakaraang linggo, pinagusapan natin ang tungkol sa SSS Mobile App kung saan kahit sa cellphone lamang ay maaari nang mag-transact ang miyembro at employer sa SSS. Ngayon naman, pag-usapan natin ang tungkol sa SSS Digital Branches.
Nitong Setyembre, umaabot na sa 137 ang tinatawag na SSS Digital Branches sa buong bansa. Ano nga ba itong digital branch at ano ang pinagkaiba nito sa SSS branch na karaniwang binibisita ng publiko?
Ang SSS Digital Branch ay mga SSS branch na inupgrade upang maserbisyohan ang mga miyembro, pensyonado at employers gamit ang online services ng SSS. Nagdagdag din ng mga kagamitan gaya ng computers at internet connection. Ibig sabihin, dahil computer assisted na ang transaksyon, mas mapapabilis at mapapadali ang oras na ilalaan ng miyembro sa loob ng opisina.
Hinati sa tatlong bahagi ang mga Digital Branches- Ang E-Center, Mobile App Learning Center (MALC) at Customer Care Center.
Sa E-Center tutungo ang mga miyembrong magsasagawa ng online transactions gaya ng pagkuha ng Social Security (SS) Number, pagreset ng My.SSS account password, pagrehistro ng kanilang disbursement account, pag-apply ng mga benepisyo at loans, pag-update ng kanilang contact information at pagfile ng data change request. Ang mga regular at household employers ay maaari ring magtungo sa E-Center kung sila ay may kailangang i-verify at i-update sa kanilang My.SSS registration status at profile.
Para naman sa mga miyembrong nais gamitin ang SSS Mobile App, maaari silang magtungo sa Mobile App Learning Center o MALC. Doon ay tuturuan sila kung paano mag-install ng SSS Mobile App sa kanilang cellphone. Ipapakilala rin sa mga miyembro ang mga programang nakapaloob sa app at kung paano ito i-navigate.
Pinakahuling bahagi ng Digital Branch ay ang Customer Care Center. Dito naman ay personal o face-to-face na aasistehan ng mga SSS employees ang mga miyembro. May transactions pa rin kasi ang SSS na kailangang iproseso over-the-counter tulad nang pagsusumite ng Retirement Benefit application na may mga dependents; pagsusumite ng Death Benefit application ng secondary, designated at legal heirs; pagsusumite ng mga karagdagang dokumento na hiniling ng branch bilang suporta sa naunang isinumiteng benefit claim; pagtatama sa mga overpayment; posting ng SSS payment; manual verification; pagkansela ng SS number; compliance sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP); pagsumite ng Pensioner’s Data; at paga-apply sa Pension Loan. Kung may mga katanungan ang miyembro na nagangailangan ng masusing pagpapaliwanag, maaaari rin silang pumunta sa Customer Care Center.
Sa mga darating na buwan ay siguradong madaragdagan pa ang bilang ng mga SSS Digital Branches.
Wala naman dapat ipag-alala ang ating mga miyembro sa paggamit ng aming computer facilities dahil nariyan ang mga empleyado ng SSS para assistehan kayo sa inyong mga transaksyon sa SSS.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.