Sadyang walang pinipili ang pagkakasakit. Ano man ang panahon, edad o estado sa buhay, maaari tayong dapuan nito.
Base sa rekord ng SSS Medical Services Division, ang opisina na siyang nangangasiwa sa mga isinusumiteng Sickness at Disability Benefit, ang top 5 na sakit ng mga miyembrong nag-file ng sickness benefit nitong 2024 ay COVID- 19, Acute Upper Respiratory Infection, Threatened Abortion, Conjunctivitis at Superficial Injuries.
Ang World Health Organization at Department of Health ang ilan lamang sa mga ahensyang nagbibigay ng abiso at impormasyon kung paaano maiiwasan ang mga iba’t-ibang sakit.
Halimbawa, available pa hanggang sa kasalukuyan ang mga bakuna na lalaban sa virus na nagdadala ng COVID-19. Malalabanan din ang upper respiratory ailments kung palalakasin natin ang ating immune system at pananatilihin ang wastong kalinisan hindi lamang sa ating katawan kundi sa ating paligid. Kumain ng masustansyang pagkain, uminom ng vitamins o food supplements, pageehersiyo at sapat na pahinga ang ilan lamang sa pangunahin nating sandata para sa malakas na resistensya. Iwasan ding mag-self-medicate gaya ng pag-inom ng gamot nang walang prescription ng doktor. Kung may nararanasang sintomas gaya ng pabalik balik na ubo’t sipon, lagnat at hirap sa paghinga, mas makabubuting kumonsulta muna sa doktor.
Wastong kalinisan din ang kailangan upang maiwasan ang pagkalat ng conjunctivitis. Ugaliing maghugas ng kamay at palitan ang bedsheets at towel upang hindi makapanghawa ng mga kasama sa bahay o sa trabaho.
Samantala, malusog na pangangatawan at bed rest ang kailangan para maiwasan ang threatened abortion. Ayon sa mga eksperto, ang regular na pagpapasuri ng mga babae sa obstetrician gynecologist ay malaking tulong para maiwasan ang insidenteng ito. Makakatulong rin ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa Iron, Vitamin C at iba pang vitamins at minerals.
Kung sakaling dapuan ng sakit at naapektuhan ang inyong pagtatrabaho, narito ang SSS para umagapay sa pamamagitan ng sickness benefit. Ipinagkakaloob ito ng SSS sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa natamong pagkakasakit o pinsala.
Sa mga nabanggit na sakit, lahat ito ay nangangailangan ng ilang araw na pahinga. Kung ang isang empleyado na “no work, no pay,” malaking bagay ang benepisyong ito para mapunan ang mga araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa kaniyang karamdaman.
May apat na qualifying conditions para maka-avail ng benepisyong ito. Una, hindi dapat nakapagtrabaho ng apat na araw o higit pa ang miyembro dahil sa sakit o pinsala at naconfine sa ospital o nagpahinga sa bahay. Pangalawa, kung employed member, dapat ay na-consume o naubos na ang lahat ng company sick leave with pay nito. Pangatlo, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit.
Kung ang miyembro ay employed, kinakailangan i-notify ang kaniyang employer tungkol sa kaniyang pagkakasakit gamit ang sarili niyang My.SSS account. Kung self-employed, voluntary, OFW o non-working spouse, direcho nang ipapasa ang aplikasyon sa My.SSS account.
Online na ang pagpapasa ng aplikasyon kaya mahalaga na ang isang miyembro ay mayroong My.SSS account. Ihanda lamang ang medical certificate at iba pang supporting documents para i-upload.
Sa nalalapit na bagong taon, dalangin ng SSS ang maayos na kalusugan at pamumuhay ng bawat Pilipino.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.