Inanunsyo ng SSS noong nakaraang linggo ang muling pagtanggap ng unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA). Ayon sa kanilang report:
“In our opinion, the accompanying financial statements present fairly, in all material respects, the financial position of the SSS as of December 31, 2021 and 2020, and its financial performance and its cash flows for the years then ended in accordance with Philippine Financial Reporting Standards (PFRSs)”
Marahil ay itinatanong ng mga ordinaryong miyembro at pensyonado ng SSS kung ano ba ang ibig sabihin ng unmodified opinion na iginawad ng COA? Ano ba ang implikasyon nito sa SSS at sa publiko?
Mandato ng COA ang taunang pagsusuri o auditing ng lahat ng mga financial statements ng mga korporasyon sa pampublikong sektor tulad ng SSS. Kaakibat nito, naaayon sa ating batas na ang mga kita ng bawat ahensya ng gobyerno ay dumadaan sa ganitong pagsusuri upang maparating sa ating mga mambabatas higit lalo sa mga miyembro ng bawat ahensya na pinagsisilbihan natin na maipakita ang kasalukuyang kalagayan ng pondo at financial performance ng bawat ahensya. Kaugnay din ito ng mandato ng SSS na mangasiwa at makapagbigay ng social security protection bunsod ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagkamatay at pagpapalibing sa kasalukuyan at hinaharap.
Para sa kaalaman ng ating mga stakeholders, regular itong naglalabas ng financial statements kada taon. Pagdating sa income o kita ng SSS, umakyat ito sa 7.4 porsyento noong 2021 na nasa P276.33 billion kung ikukumpara noong taong 2020 na nasa P257.24 billion lamang. Ang benefit payouts naman o ang halaga ng benepisyong ibinibigay sa mga miyembro at mga benepisyaryo ay tumaas din ng 14.9 porsyento o nasa P223.98 billion noong taong 2021 kung ikukumpara sa P194.87 billion noong taong 2020. Samantala, ang mga ginastos ng SSS noong 2021 para sa operations nito ay umabot lamang sa P10.19 billion o 33.6 porsyento lamang mula sa itinalagang charter limit sa ilalim ng SSS Law.
Patunay lamang ito na kahit sa gitna ng ating kinakaharap na pandemya ay maganda pa rin ang financial position ng SSS, kumikita at tuloy-tuloy ang pagbibigay ng mga benepisyong kailangan ng mga miyembro nito.
Napatunayan naman nito sa iginawad ng COA na unmodified opinion sa SSS. Ang unmodified opinion na inilalabas ng SSS ay isang pamantayan o standard ng pagsusuri ng COA kung saan nakita nito na ang lahat ng mga datos ay maayos na naitala at reported na walang anumang iregularidad. Ngayong taon nga ay isa ang SSS sa mga nangungunang ahensya na nakatanggap ng isa sa pinakamataas na audit standard ng COA. Ayon kay SSS President and CEO Michael Regino sa inilabas niyang pahayag, “this serves as a testament to our continuous pursuit of good governance and transparent and prudent management of the SSS Fund.”
Umabot din sa P1.1 trillion ang benefit payouts sa mga miyembro at pensyonado at kanilang mga benepisyaryo mula taong 2016 hanggang 2021. Ang mga ipinatupad na reporma sa Republic Act Nos. 11199 (Social Security Act of 2018) gaya ng mandatory SSS coverage ng OFWs, pagtataas ng maximum salary credit para sa computation ng mga benepisyo, pagbibigay ng karagdagang benepisyo tulad ng pinakabagong unemployment benefit at, ang pinalawak na maternity benefit sa ilalim ng RA 11210 (Expanded Maternity Leave Law), kasama na ang across- the-board additional P1,000 sa SSS pensioners noong 2017 ang mga dahilan kung bakit umakyat ang benefit payouts sa nasabing mga taon.
Pagdating naman sa loan releases, umabot din sa kabuuang P294.54 billion ang halagang naipautang ng SSS sa mga miyembro nito sa kaparehas na mga taon. Ang pagtaas ng halaga sa loan proceeds ay dahil na rin sa iba’t-ibang loan programs ng SSS gaya ng Pension Loan Program, Calamity Loan Assistance Program noong nagsimula ang pandemya, at pag-akyat ng maximum loanable amount dahil na rin sa pagtaas ng maximum monthly salary credit.
Bilang isang empleyado ng SSS at kasalukuyang voluntary member, nagbabayad rin ako ng aking SSS contributions. Sigurado ako na pagdating ng aking pagreretiro, may matatanggap akong benepisyo gayundin sa mga panahon na mangailangan ako dahil tiwala akong naaalagaan at hindi napapabayaan ang kada pisong inihuhulog ko sa SSS bilang miyembro.
Dahil sa kinikilala ng COA ang maayos na pamamahala ng SSS, ito ang nagsisilbing inspirasyon ng bawat kawani at opisyal ng aming ahensya upang patuloy pang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo para sa mga miyembro, employer at pensyonado ng SSS sa mga darating pang mga taon.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.