Kamakailan ay nagtungo tayo sa isang unibersidad upang saksihan ang Memorandum of Agreement signing nito sa SSS para sa social security coverage ng Job Order at Contract of Service Workers ng unibersidad.
Isa sa mga naging paksa ng usapan habang isinasagawa ang orientation ay sumentro sa digitalization ng SSS at kung gaano ito kaginhawa sa mga miyembro at magiging miyembro. Isang halimbawa rito ay ang ibinahagi ng isang college student kung gaano siya kabilis nakakuha ng Social Security (SS) Number online sa SSS Website.
Dati, kinakailangan pang pumunta sa SSS branch at mag-fill out ng form para makakuha ng SS Number. Ngayon, dahil sa digitalization ng SSS, kahit nasaan ka, basta’t may internet connection ka ay makakakuha ka na ng SS Number sa pamamagitan ng SSS Website (www.sss.gov.ph) at may kasamang activation link para magkaroon ng My.SSS account User ID at Password. Paano naman ito gagawin?
Para magsubmit ng SS Number Application online, bisitahin ang website ng SSS www.sss.gov.ph. I-click yung icon na “Apply for an SS Number Online” na makikita sa ibaba ng webpage.
Ida-direct ka sa panibagong web page at aabisuhan kang mag-apply online. May lalabas na guide sa screen para sa pag-fill out ng inyong E1 o Personal Record Form. Ilagay ang mga hinihinging impormasyon. Tandaan na hindi maaaring maglagay ng mga special characters sa pagpaparehistro. Kung may special character ang pangalan, aabisuhan kang personal na magpunta sa anumang sangay ng SSS para doon magrehistro.
Matapos ilagay ang mga kinakailangang impormasyon, i-click ang “Submit.” May ipapadalang link sa iyong registered email address para ipagpatuloy mo ang iyong aplikasyon at i-upload ang supporting documents gaya ng birth o baptismal certificate. Kaya naman lagi kaming nagpapaalala na siguruhing aktibo ang iyong registered e-mail address sa SSS sa pagpapatuloy ng iyong aplikasyon. Pinapayuhan din ang aplikante na ihanda ang mga file na i-uupload at hindi dapat ito lalagpas sa 3MB na file size.
Bibigyan ka lamang ng limang araw para ipagpatuloy ang iyong aplikasyon. Kung lumagpas sa limang araw, mababalewala ang link at kinakailangan mo muling magpasa ng panibagong aplikasyon.
Idouble check ang mga nilagay na impormasyon pati na rin ang supporting documents na inupload bago i-click ang “Generate SS Number” button. Matapos nito ay lalabas na sa screen ang SS Number at option na iprint/idownload ang Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip. Makakatanggap ka rin ng email confirmation na kung saan nakasaad ang iyong SS Number at kopya ng Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip.
Tandaan na hangga’t hindi ka nakakapagsumite ng supporting documents online o sa SSS branch, mananatiling temporary ang iyong membership status. Kapag naisumite mo na ang mga ito at naiproseso na ito ng SSS, mapapalitan na ang iyong membership bilang permanent.
Permanente mo nang gagamitin ang SS number na inisyu sa iyo. Ibig sabihin, hindi mo na kailangan kumuhang muli ng SS number kung nagbago ang pinapasukan mong trabaho. Isusumite mo lang ang iyong SS Number sa bago mong employer at iyan na ang gagamitin nila sa tuwing huhulugan nila ang iyong kontribusyon at iba mo pang mga transaksyon sa SSS.
Ganiyan lang kabilis at kaginhawa ang kumuha ng SS number ngayon. Salamat sa programang digitalization ng SSS. Kaya naman sa mga wala pang SS number, lalo na sa mga aktibong naghahanap ng trabaho sa ngayon, online na po ang pagkuha ng SS number.
Inaanyayahan namin ang lahat na na panoorin ang Facebook live discussion ng SSS, ang “USSSap Tayo” tuwing Huwebes, mula 10:00 hanggang 11:00 ng umaga sa Official Facebook Page ng SSS, ang “Philippine Social Security System-SSS.”