Bukod sa SSS benefits, ang SSS salary loan ang isa sa madalas din i-avail ng mga members. Lahat ng miyembro sa SSS, ano pa man ang kanilang membership category ay maaaring mag-avail ng Salary Loan basta’t pasok sila sa mga sumusunod na qualifications:
Dapat ay may 36 buwang kontribusyon ang miyembro, anim dito ay pasok sa huling 12 buwan bago ang semestre ng pagpafile ng loan. Para sa individually paying members na self-employed, voluntary, at Overseas Filipino Workers, bukod sa pagkakaroon ng 36 monthly contributions, dapat ay may anim na buwang silang kontribusyon sa ilalim ng kasalukuyang membership category. Halimbawa, kung ang isang employed member ay nagresign sa trabaho noong January 2024 subalit ipinagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon bilang voluntary member, maaari pa lang siyang mag-apply ng Salary Loan sa August 2024. Kailangan kasi na makumpleto muna ang kaniyang hulog ng anim na buwan sa kaniyang bagong membership category para mag-qualify sa Salary Loan.
Maliban sa kontribusyon, kinakailangan ring hindi pa pinagkalooban ng final claim ang miyembro tulad ng retirement at total disability benefit.
Dapat ay wala ring outstanding loan balance sa kanyang Salary, Calamity, Educational, Emergency o Stock Investment Loans at up to date sa pagbabayad ng kanyang utang sa pabahay o Housing Loan kung mayroon man. Kung may outstanding loan balance sa naunang Salary Loan, maaaring mag-renew ng Salary Loan ang miyembro kung siya ay nakapagbayad na ng higit sa kalahati ng principal loanable amount at nasa kalahati na rin ng termino ng pagbabayad.
Panghuli, walang kaso sa Social Security Commission dahil sa pandaraya sa pagpa-file ng loans o pagpasa ng fraudulent claims sa SSS.
Ang loanable amount sa ilalim ng salary loan ay nakadepende sa Monthly Salary Credit (MSC) ng miyembro. Kung one month Salary Loan, ang maximum allowable amount ay P20,000.00. Kung two months’ Salary Loan naman, ang maximum allowable loan proceed ay aabot sa P40,000.00.
Ang salary loan ay babayaran sa loob ng 24 months o dalawang taon. Ang monthly amortization ay nakadepende sa halaga ng naaprubahang loan. Maaari itong i-verify sa My.SSS Account ng miyembro.
Noong November 2020, ipanatupad na ng SSS ang online application ng SSS Salary Loan. Isususmite na ang aplikasyon sa My.SSS account ng miyembro o kaya ay sa SSS Mobile App.
Kung employed member ang magfa-file ng Salary Loan, kailangan niyang abisuhan ang kaniyang employer na mayroon siyang Salary Loan application dahil kailangan nila itong i-certify online sa loob ng tatlong araw. Kung hindi na-certify ng employer, maaaring ulitin ang application.
Sa oras na maaprubahan ang online application, iki-credit ng SSS ang loan proceeds sa enrolled bank account ng miyembro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) ng My.SSS Portal. Tandaan na may one percent service fee ang salary loan at ito ay awtomatikong ibinabawas sa halaga ng inutang ng miyembro.
Kung magbabayad na ng monthly amortization, tandaan din na ang Payment Reference Number (PRN) para sa loans ay available tuwing ika-pitong araw ng buwan sa “RTPL-PRN” Tab ng My.SSS Member Portal. Kapag nakalimutang bayaran ang salary loan, ito ay papatawan ng 1% penalty kada buwan.
Para sa karagdagang impormasyon o katanungan tungkol sa loan program na ito, bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.