Magandang umaga po SSS. Tanong ko lang po. Yung SSS members lang ba na may trabaho ang pwedeng mag-apply ng Salary Loan sa SSS? Thank you po and mabuhay kayo! – Belen, La Union
Magandang araw sayo, Belen. Maganda ang iyong katanungan dahil ang alam ng karamihan na tanging employed SSS members lamang ang maaaring mag-apply sa SSS Salary Loan.
Ang Salary Loan ay bukas din sa lahat ng actively-paying self-employed at voluntary members. Bakit actively paying? May sinusunod kasi tayong contribution requirement para mag-qualify sa Salary Loan. Dapat ay may 36 months posted contribution ang member, anim rito ay kinakailangang naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon. Halimbawa, kung ang isang miyembro na mag-aapply ng Salary Loan ngayong buwan ng Hunyo, dapat ay may kabuuang 36 months posted contribution siya at may hulog na anim na buwan sa loob ng Hunyo 2022 hanggang Mayo 2023.
Kung kakapalit pa lamang ng membership type ang miyembro, halimbawa: mula Employed to Voluntary o OFW to Voluntary membership, dapat ay may naitalang kontribusyon ang miyembro sa huling anim na buwan bago ang pagpafile ng aplikasyon.
Para magqualify sa Salary Loan, dapat ay hindi pa tumatanggap ng anumang final claim sa SSS ang miyembro. Halimbawa ng mga final claim ay Retirement, Death at Funeral. Pagdating naman sa edad ng aplikante, dapat ay wala pang 65 years old ang miyembro sa panahon ng pag-aapply ng Salary Loan at walang itong kinaharap o kinakaharap na kaso laban sa SSS dahil sa panloloko o panlilinlang.
Dahil online na ang pag-apply sa Salary Loan, dapat ay may naka-enrol na PesoNet bank account sa Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSs account ng miyembro. Kung aprubado na ang inenrol na disbursement account, maaari nang magpasa ng salary loan application online.
Maglog-in sa My.SSS Portal at piliin ang Loans tab mula sa dashboard para lumabas ang drop down menu. Piliin ang Salary Loan at punan ang mga hinihinging detalye. Kung ang loan applicant ay isang employed member, abisuhan ang employer na may Salary Loan application para ma-certify niya ito. Kung lumagpas ng tatlong araw at hindi na-certify ng employer ang Salary Loan application, kailangang ulitin ng aplikante ang proseso. Kung Voluntary, Self-Employed o OFW member naman ang loan applicant, derecho na ang gagawing aplikasyon. Maghintay lamang ng 1-2 working days para maaprubahan ang Salary Loan application at agad naman itong iki-credit sa bank account ng miyembro.
Tulad ng benefit proceeds, ang halaga ng Salary Loan ay nakadepende sa monthly salary credit ng miyembro. Ibig sabihin, kung mataas ang monthly salary credit, mas mataas ang loan proceeds. Kung naka-36 months posted contribution ang miyembro, katumbas ng 1 month salary credit ang mahihiram. Kung naka 72 months posted contribution o higit pa, maaaring maka avail ng katumbas ng 2 months-salary credit. Sa kasalukuyan, P3,000 ang pinakamababang salary loan, higit P26,000 ang average na halaga ng salary loan at P40,000 naman ang pinakamataas na halaga ng Salary Loan.
Maaaring mag-renew ng Salary Loan basta’t bayad na ang kalahating halaga ng naunang loan. Sa pagrenew, ang natitirang balanse ay ibabawas na sa panibagong loan proceeds.
Ugaliin ding i-check ang loan payment records gamit ang inyong My.SSS Accounts para i-monitor ang halaga binayaran ninyo pati na rin ang inyong natitirang balanse.
Inaanyayahan namin ang lahat na na panoorin ang Facebook live discussion ng SSS, ang “USSSap Tayo” tuwing Huwebes, mula 10:00 hanggang 11:00 ng umaga sa Official Facebook Page ng SSS, ang “Philippine Social Security System-SSS.” Bisitahin din ang iba pang official social media pages ng SSS para sa updated at tamang impormasyon tungkol sa SSS. I-follow kami sa aming Twitter account @PHLSS, YouTube channel sa “MYSSSPH”, sumali sa aming Viber Community “MYSSSPH Updates” o bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.