Noong nakaraang linggo, naimbitahan tayo sa financial literacy program ng Philippine Statistics Authority-Cordillera Administrative Region (PSA-CAR) upang magbahagi ng impormasyon tungkol sa SSS benefits ng kanilang mga empleyado. Bagamat ang karamihan sa kanila ay regular na empleyado ng gobyerno at miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), may ilan pa ring Job Order at Contract of Service (JO/COS) na hindi naman sakop ng GSIS. Sa ilalim ng SSS, ang mga JO/COS ay maaaring magrehistro bilang Self-Employed members samantalang ang mga empleyado sa gobyerno na dating nasa pribadong sektor ay maaaring magpatuloy ng kanilang SSS membership bilang Voluntary Members.
Maliban sa JO/COS workers, sino pa ba ang pasok sa self-employed category? Sila ang may pinapatakbo o hawak na negosyo at kumikita ng hindi bababa sa P3,000.00 kada buwan. Halimbawa dito ay mga sar-sari store owners, market vendors, mga tsuper sa pampublikong sasakyan tulad ng tricycle, taxi, jeep at bus, at iba pang uri ng pagnenegosyo. Ang mga professionals gaya ng inhenyero, arkitekto, doktor, abogado, miyembro sa media, at board of directors sa mga kumpanya, pati mga in-demand na online sellers at delivery riders ay maituturing na Self-Employed members. Ang halaga ng ihuhulog nilang kontribusyon ay nakadepende sa idedeklara nila sa SSS na kita kada buwan.
Samantala, pasok naman sa Voluntary membership category ang dating employed o self-employed members na nais ipagpatuloy ang kanilang membership sa SSS. Kabilang dito ang mga kawani ng gobyerno na dating nagtrabaho sa pribadong sektor. Iminumungkahi namin na tapatan o taasan ang kanilang kontribusyon batay sa halaga ng dati nilang hinuhulog noong sila ay Employed o Self-Employed Member. Maaari kasing mahila pababa ang halaga ng benepisyo o loan proceeds kung ibababa ang halaga ng huhulugang kontribusyon. Sa kasalukyan, ang minimum monthly salary credit (MSC) ay P3,000 at katumbas nito ang buwanang kontribusyon na P390. Samantala, P25,000 naman ang maximum MSC at katumbas nito ang P3,250 kontribusyon kada buwan. Bilang Voluntary member, babayaran nila ang buong 13% contribution.
Simula noong September 2020, ang mga Self-Employed Members ay may karagdagang benepisyo mula sa Employees’ Compensation Program (ECP). Sa ilalim ng EC, ang isang Self-Employed member ay makakatanggap ng karagdagang benepisyo maliban sa regular na SSS benefits kung sakaling ang kanyang pagkakasakit, pagkakabalda o pagkamatay ay may kinalaman sa trabaho o “work related”. Kagaya sa SSS, ang EC contribution ay depende rin sa buwanang kita ng isang self-employed. Kung hindi tataas sa P14,749.99, magdadagdag lamang ng P10 kada buwan para sa EC contribution at P30 naman kung higit sa P14,750 ang buwanang kita. Magkasabay na ibinabayad ang SSS at EC contribution.
Parehas na makatatanggap ang Self-Employed at Voluntary Members ng SSS benefits gaya ng Maternity, Sickness, Disability, Retirement, Death at Funeral, maliban sa Unemployment Benefit na nakalaan lamang para sa mga Employed Members. Parehas din silang makakapag-avail ng Salary Loan, Calamity Loan, Salary Loan Renewal, Pension Loan at Educational Loan. Subalit, dapat tandaan na pasok dapat sa qualifying conditions ang self-employed at voluntary members na mag-aapply sa mga nasabing benepisyo at loans.
Mahalaga rin sa mga Self-Employed at Voluntary members na magkaroon ng My.SSS account. Dahil karamihan na sa mga transaksyon sa SSS tulad ng pag-generate ng Payment Reference Number (PRN) na gagamitin sa pagbabayad ng kontribusyon at loans, pati na rin ang pagpa-file ng mga benepsiyo tulad ng Maternity, Sickness, Disability, Funeral at Retirement ay maaari nang gawin sa pamamagitan ng My.SSS account.
Para sa mga iba pang opisina ng gobyerno na may mga JO/COS sa kanilang tanggapan o kaya ay may mga empleyadong nais magpatuloy sa kanilang SSS membership, makipag-ugnayan lamang sa amin upang mapasyalan namin kayo at mabigyan ng sapat na impormasyon tungkol sa aming Self-Employed at Voluntary membership programs.
Kung may katanungan kayo tungkol sa SSS o anumang paksa sa SSS na nais ninyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph