Ayon sa PAG-ASA, opisyal na ang pagsisimula ng tag-ulan dito sa Pilipinas. Alam naman natin na kaakibat ng masamang panahon ang paglaganap ng iba’t-ibang sakit tulad ng dengue, leptospirosis, diarrhea, cholera, at pulmunya. Bukod sa mga sakit na dulot ng tag-ulan, nariyan na rin ang pangambang dulot ng MPOX at COVID. Kaya naman para sa kaalaman ng SSS members, narito ang ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa SSS Sickness benefit.
Ang isang SSS member na aktibong nagbabayad ng kaniyang kontribusyon, na posibleng madapuan ng anumang sakit, ay maaaring mag-avail ng SSS Sickness Benefit. Isa itong cash benefit na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa natamong sakit o pinsala.
Kung ang isang empleyado na “no work, no pay,” malaking bagay ang benepisyong ito para mapunan ang mga araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa kaniyang karamdaman.
May apat na qualifying conditions para makapag-avail ng sickness benefit. Una, hindi dapat nakapagtrabaho ng apat na araw o higit pa ang miyembro dahil sa sakit o pinsala at naconfine sa ospital o nagpahinga sa bahay.
Pangalawa, kung employed member, dapat ay na-consume o naubos na ang lahat ng company sick leave with pay nito.
Pangatlo, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit.
Pangapat, kung employed ang SSS member, kailangan i-notify ang kaniyang employer tungkol sa kaniyang pagkakasakit gamit ang sarili niyang My.SSS account. Kung self-employed, voluntary, OFW o non-working spouse, diretcho nang ipapasa ang aplikasyon sa My.SSS account.
Online na ang pagpapasa ng aplikasyon kaya mahalaga na ang isang miyembro ay mayroong My.SSS account. Ihanda lamang ang medical certificate at iba pang supporting documents para i-upload. Para sa updated na listahan ng requirements, basahin ang SSS Circular No. 2022-013 https://www.sss.gov.ph/wp-content/uploads/2022/06/CI2022-013.pdf.
Napag-usapan noong nakaraang buwan ang tungkol sa prescriptive period na kailangang masunod sa pag-file ng benepisyo sa pagkakasakit. Makikita ito sa link na: https://baguioheraldexpressonline.com/prescriptive-period-sa-sss-sickness-benefit-2/.
Sa panahon ngayon, may kapasidad tayo na protektahan ang ating sarili laban sa sakit sa pamamagitan ng malakas at malusog na pangangatawan. Subalit, kung sakaling nadapuan pa rin tayo ng karamdaman sa kabila ng ating pagiingat, huwag mag-alinlangang i-avail ang benepisyo mula sa SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.