Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong May 2021, nasa 7.7 percent ang unemployment rate at katumbas nito ang 3.73 milyong indibidwal na nawalan ng trabaho. Habang patuloy na pinupuksa ang COVID-19 samantalang nananatili ang quarantine restrictions sa iba’t-ibang lugar, may ilang negosyo pa rin ang apektado at nanganganib na magsara. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, nakahanda ang SSS para magbigay ng benepisyo sa mga empleyadong nawalan ng trabaho.
Ang Unemployment Benefit ay ang pinakabago sa pitong benepisyong programa sa SSS sa ilalim ng Social Security Act of 2018. Ito ay isang cash allowance na ibinibigay sa mga SSS na employed kabilang ang mga kasambahay at OFW members na nahiwalay sa trabaho nang inboluntaryo. Halimbawa ng involuntary separation ay: retrenchment, redundancy ng posisyon sa trabaho, repatriated, downsizing ng mga empleyado, paghinto ng operasyon ng trabaho dahil sa pagsasara ng kumpanya sanhi ng pandemya, pagkalugi, kalamidad o anu pa mang natural na rason.
Hindi naman tatanggapin ang aplikasyon kung ang rason ng pagkakahiwalay sa trabaho ay dahil sa serious misconduct, willful disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud o will breach of trust/loss of confidence, commission of a crime or offense at iba pang rason tulad ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
Upang mag-qualify sa Unemployment Benefit, dapat ay hindi higit sa 60 taong gulang ang miyembro. Kung ang aplikante ay underground at surface mineworkers, hindi dapat higit sa 50 taon ang edad samantalang ang racehorse jockeys naman ay hindi dapat higit sa 55 taon. Dapat ay nakapagbayad din ang miyembro ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon, kung saan ang 12 dito ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan ng pagkakahiwalay sa trabaho. Halimbawa, kung ang miyembro ay nahiwalay sa trabaho ngayong Agosto 2021 at mayroon naman siyang higit sa 36 buwang kontribusyon, dapat ay may naitalang 12 buwang kontribusyon mula February 2020 hanggang July 2021.
Online na ang pagsusumite ng aplikasyon kaya’t mahalagang may sariling My.SSS account na ang miyembro. I-click lamang ang link na ito para makagawa na kayo ng sariling My.SSS account (https://member.sss.gov.ph/members/). Sa ilalim ng E-Services Tab, makikita ang application link para sa Unemployment Benefit. Kailangan i-upload ng miyembro ang sertipikasyon ng kanyang pagkakahiwalay sa trabaho mula sa kanyang employer pati ang sertipikasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang patunay na siya ay inboluntaryong nahiwalay sa kanyang employer.
Bago mag-file ng application para sa Unemployment Benefit, siguraduhin muna na naka-enrol ang savings account number sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM). Balikan lamang ang aking kolumn tungkol dito (https://baguioheraldexpressonline.com/mga-paglilinaw-tungkol-sa-salary-loan-daem-aat-legal-beneficiaries/)
Magkano naman ang matatanggap ng isang kwalipikadong miyembro? Katumbas ito ng kalahati (50%) ng kanyang Average Monthly Salary Credit (AMSC) sa loob ng dalawang buwan. Halimbawa, kung ang isang miyembro na naghuhulog sa P20,000.00 Monthly Salary Credit kada buwan, ang 50% nito ay P10,000. Pero dahil katumbas ito ng dalawang buwan benepisyo, matatanggap ng miyembro ang buong P20,000. Idedeposito ito sa inirehistrong disbursement account sa ilalim ng DAEM.
Isang beses lamang kada tatlong taon maaaring mag-apply ng benepisyong ito. Tandaan na dapat i-file ang aplikasyon sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkakahiwalay sa trabaho. Kung sakali namang magkaroon ng magkasabay na dalawa o higit pang involuntary separation sa loob ngcompensable period, ang pinakamataas na benepisyo lamang ang babayaran ng SSS.
Matatandaan na inilunsad ng SSS ang Unemployment Benefit noong March 2019. Makalipas ng isang taon, dumating naman ang pinangangambahang COVID-19 na nakaapekto sa ating ekonomiya. Dahil dito tunay na talagang napapanahon ang pagbibigay ng SSS ng Unemployment Benefit at talagang biyaya ng ating lumikha upang maibsan ang hirap na dulot ng pandemya.
Sa mga kwalipikado sa benepisyong ito, para sa inyo po ito. Sana ay makatulong ito nang husto bilang pantustos sa inyong mga pangangailangan habang naghahanap kayo ng bagong trabaho.
===
Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.