Noong nakaraang linggo, tayo ay inimbitahan na magsalita sa harap ng graduating college students para magbigay ng impormasyon tungkol sa SSS bilang paghahanda sa kanilang pagtatrabaho. Isa sa mga tinalakay ng naunang speaker ay tungkol sa financial management. Doon ko nakita na karamihan sa mga kabataang naroon ay interesado rin sa usaping pag-iipon at pagpapalago ng pera. Ganito na yata ang takbo ng pag-iisip ng mga kabataan ngayon – ang mag-invest at mag-negosyo. Kaya naman, bukod sa SSS benefits, tinalakay ko na din sa mga estudyante ang tungkol sa Workers Investment and Savings Program Plus o WISP Plus.
Ang WISP Plus ay isang voluntary provident fund para sa mga SSS members na wala pang final claim sa ilalim ng regular SSS program tulad ng Retirement, Death at Total Disability.
Ang pagkakaiba ng WISP Plus sa WISP ay ang sakop nitong members. Dahil mandatory ang WISP, ang mga miyembro lamang na may Monthly Salary Credit na mas mataas sa P20,000 ang awtomatikong kabilang sa programa. Ngunit sa ilalim ng WISP Plus, maaaring sumali ang lahat ng SSS members, kahit magkano pa man ang kanilang Monthly Salary Credit o braket basta’t may hindi bababa sa isang buwang kontribusyon ang miyembro.
Maganda mag-invest sa WISP Plus. Protektado dito ang prinsipal na kontribusyon. Ibig sabihin, hindi bababa ang nominal value o halaga ng perang ipinasok dito bagkus ay lalo itong tataas lalo kung maganda ang galaw ng SSS investments sa merkado. Sa ganitong paraan, protektado o kaya ay ligtas ang pinaghirapang ipuning pera laban sa inflation.
Compounded interest din ang kikitaan dito dahil ang investment income na idinis-distribute kada taon ay magiging bahagi ng rin ng kabuuang account value ng miyembro, na siya namang tutubo ng interes.
Ang WISP Plus ay affordable at tax-free savings scheme na may mababang management fee na 1%. Ito ay icha-charge sa total accumulated account value ng miyembro. Huwag din ikabahala ang pagkalugi dahil ang investment dito ay mina-manage ng mga propesyunal na investment managers. Sa katanuyan, ang annualized return on investment (ROI) ng SSS para sa taong 2020 ay 5.7% at 5.8% naman noong 2021. At noong January hanggang October 2022 ay pumalo na sa 3.86%. Iyan ay sa kabila ng mga iba’t-ibang pagsubok na kinakaharap ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bilang isang defined-contribution scheme, ang kontribusyon ng miyembro sa WISP Plus ay mapupunta sa isang individual account kung saan kikita ito ng investment sang-ayon sa total accumulated account value nito. Walang dapat ipag-alala ang mga miyembro sa WISP Plus dahil ang investment ng SSS ay naaayon sa requirements nito na liquidity, safety, security, at yield. Sa bawat katapusan ng taon, magkakaroon ng investment income na batay sa interest rate na idineklara ng SSS. Anumang earnings mo sa iyong investments ay makikita sa iyong My.SSS account kaya masusubaybayan mo ang paglago ng iyong pera kada buwan at taon.
Sa unang taon, walang withdrawal ang maaaring gawin dahil may one year holding period. Maliban na lamang kung may kinakaharap na extreme hardships ang miyembro tulad ng matinding pagkakasakit, hindi inaaasahang pagkakatanggal sa trabaho, kung narepatriate ang isang OFW, o iba pang kaparehong sitwasyon na nadetermina ng SSS, pahihintulutan na mag-withdraw ng earnings sa WISP Plus account ang miyembro. Ang halaga ng maaaring i-withdraw ay nakadepende sa taon o tagal nang nag-iinvest sa WISP Plus. Sa ikalawa hanggang ikaapat na taon, maaaring mag-withdraw subalit mayroon itong reduced income. Sa ikalima at higit pang taon, maaari nang ma-withdraw nang buo. Kaya pinapayuhan namin ang lahat ng miyembro na hangga’t walang mahalagang paggagamitan ng pera ay huwag munang magwithdraw sa inyong WISP Plus account para garantisadong malaki ang kikitain nito.
Para sumali sa WISP Plus, kinakailangan na mayroong My.SSS account ang miyembro. Mula dito, i-click ang “Enroll to WISP Plus” na nasa ilalim ng Services tab, at basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.
Ang minimum na kontribusyon sa WISP Plus ay P500.00 kada bayad at walang maximum na kontribusyon. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang i-generate gamit rin ang iyong My.SSS account.
Kung employed member at nais sumali sa WISP Plus, dapat ay mayroon ka nang kahit isang buwang hulog ng SSS contribution sa loob ng nakalipas na tatlong buwan. Kung Voluntary, Self-employed o OFW member naman, pwedeng bayaran ang WISP Plus contribution kasabay ng pagbabayad ng iyong SSS contribution. Maaari itong bayaran nang hiwalay mula sa SSS contribution o sabay na.
Sa mga interesado sa WISP Plus, bisitahin lamang ang aming opisyal na Facebook page, ang Philippine Social Security System para sa karagdagang detalye o kaya ay mag-login sa inyong My.SSS account para mag-enrol sa programa.
Kaya’t paghandaan na ang inyong kinabukasan, mag-invest na sa WISP Plus!