Ngayong buwan ng Setyembre 2024 ay ang ika-67 taon na ng Philippine Social Security System sa pagbibigay ng serbisyo sa mahigit 42 milyong miyembro.
Mandato ng SSS na bigyan ng pangkalahatang seguridad panlipunan ang bawat miyembro nito sa mga panahong may pinansyal na pangangailangan tulad nang panganganak, pagkakasakit, hindi inaasahang pagkahiwalay sa trabaho, pagkabalda, pagreretiro at pagkamatay.
Taong 1957 nang binuksan ng SSS ang pintuan nito para bigyan ng social security protection ang mga manggagawang Pilipino sa pribadong sektor. Subalit bago ito tuluyang maging isang ahensiya ng bansa, tila dumaan pa sa butas ng karayom ang SSS. Maraming debate, paga-aral at pagsusuri ang dinaanan ng ahensiya mula sa mga lider, negosyante at labor organizations.
Nagsimula noong 1948 nang inatasan ni dating Pangulong Manuel Roxas ang kongreso na bumuo ng social security program upang matulungan ang mga Pilipinong dumanas ng hirap sa noo’y katatapos lamang na himagsikang pandaigdig. Sa kasamaang palad, namatay si Pangulong Roxas bago pa man maisakatuparan ang kanyang mga plano.
Ipinagpatuloy ni Pangulong Elpidio Quirino ang adhikain ni Pangulong Roxas. Pinirmahan ni Pangulong Quirino ang EO 150 noong July 1948 para bumuo ng Social Security Study Commission. Ang komisyong ito ang bumalangkas at naglabas ng Social Security Act na siya namang isinumite sa kongreso.
Taong 1954, sa pangunguna nina Representative Floro Crisologo at sina Senador Cipriano Primicias at Manuel Briones, naipasa ang panukala sa kongreso at kinalaunan ay pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay para maging ganap na batas ang Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1954.
Kahit naisabatas na ang Social Security Act, hindi ito agad agad naipatupad dahil tinutulan ito ng mga negosyante at labor groups. Makalipas ang ilang taong debate ay napirmahan na rin sa wakas ang RA 1792 noong 1957 na siyang nag-amyenda sa orihinal na Social Security Act. Noong September 1, 1957, tuluyan nang ipinatupad ang Social Security Act of 1954 sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Carlos Garcia.
May idinagdag na mga panukala ang mga sumunod na administrasyon upang palawakin ang pagbibigay ng social security protection sa mga manggagawang Pilipino. Noong September 7, 1979, pinirmahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos ang PD 1636 na siyang nagsakop sa mga self-employed members. Kinalaunan, isanama na rin ang mga magsasaka at mangingisda bilang miyembro ng SSS.
Pinirmahan ni Pangulong Fidel Ramos noong 1997 ang RA 8282 o Social Security Act of 1997. Dala ng bagong batas ang mas magandang benepisyo, pinalawak na SSS coverage, pinahusay na investment programs, mas mabigat na parusa para sa mga lumalabag na employers, contribution penalty condonation program, at voluntary provident fund para sa mga miyembro. Noong 2019, nilagdaan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11199 o ang pinakabagong Social Security Act of 2018. Nakasaad sa bagong batas na ito ang Unemployment Insurance bilang pang-pitong benepisyo para sa mga miyembro at nariyan rin ang mandatory coverage para sa mga Overseas Filipino Workers.
Ngayong 2024, namayagpag pa rin ang serbisyo ng SSS dahil sa pinalawak nitong mga sangay sa loob at labas ng bansa. Sa pinakahuling datos nito, aabot na sa 287 ang SSS branches sa buong bansa at 28 branches sa labas ng Pilipinas. Mula Enero hanggang Hunyo 2024, aabot na rin sa mahigit sa 4 na milyong benepisyaryo ang nakatanggap ng iba’t-ibang Social Security benefits na may katumbas na kabuuang halaga na mahigit P138M.
Sa loob ng animnapu’t pitong taon, pinatunayan ng SSS ang mandato nito na magbigay ng social security protection sa lahat ng manggagawang Pilipino at patuloy pa rin ito sa pagseserbisyo sa publiko bilang Kabalikat ng Bagong Pilipinas.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.