Noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang Mandatory MySSS Pension Booster –na dating Workers’ Investment and Savings Program (WISP). Awtomatikong pasok sa programang ito ang mga miyembrong nagbabayad ng lagpas sa P20,000 na Monthly Salary Credit (MSC). Anumang sobra sa contribution na katumbas ng P20,000 MSC ay mapupunta sa Mandatory MySSS Pension Booster account ng miyembro.
Subalit, paano naman ang mga miyembrong mas mababa sa P20,000 MSC ang hinuhulugang kontribusyon pero nais ring madagdagan ang kanilang pensyon sa SSS?
Magagawa pa rin nilang palakihin ang kanilang pensyon sa tulong ng Voluntary MySSS Pension Booster o dating tinatawag na WISP Plus. Sa minimum contribution na P500.00 kada bayad o mas higit pa, unti-unti silang makakaipon habang pinalalago ni SSS ang kanilang pera sa Voluntary Pension Booster account. Ngunit paano ba ito nangyayari?
Ang mga kontribusyon ay i-invest ng SSS alinsunod sa requirements nito ng liquidity, safety, security, at yield. Sa katapusan ng taon, magkakaroon ito ng investment income base sa interest rate na idineklara ng SSS. Sa katunayan, target ng SSS ang 7.2 percent interest rate ngayong taon. Ang maganda pa rito, tax-free ang Voluntary MySSS Pension Booster o walang ikakaltas na tax charges mula sa inyong ipon at kita.
Ang mga miyembrong kabilang sa Mandatory MySSS Pension Booster na gustong mas lumaki pa ang kanilang pensyon ay maaari ring sumali sa Voluntary MySSS Pension Booster.
Halimbawang nagsimulang maghulog si Member A sa MySSS Pension Booster (Mandatory at Voluntary) noong January 2023 at may planong magretiro sa edad na 60 years old. Naghulog siya ng kontribusyon sa ilalim ng maximum MSC.
Sa tulong ng MySSS Pension Booster, umabot sa P37,392.80 ang monthly pension ni Member A- P16,900 ay galing sa regular SSS program, P16,636.93 galing sa Mandatory MySSS Pension Booster at P3,855.88 ay mula sa Voluntary MySSS Pension Booster.
Kung halimbawang may extrang pera si Member A at naisipan niyang gawing P1,000 na lang ang kanyang kontribusyon sa Voluntary MySSS Pension Booster, aabot sa P41,248.68 ang kabuuang pension na matatangap niya mula sa tatlong programa.
Kung ang katrabaho ni Member A na si Member B, ay magkasabay na sumali sa MySSS Pension Booster (Mandatory at Voluntary) noong January 2023 at may plano ring magretiro sa edad na 60 years old. Naghulog din ng kontribusyon sa ilalim ng maximum Monthly Salary Credit (MSC) ngunit P10,000 kada buwan ang isinusubi sa voluntary MySSS Pension Booster. Ang monthly pension na kanyang matatanggap mula sa tatlong programa ay papalo sa P110,654.47. Ganoon kalaking pensyon ang maaaring makuha ng miyembro kung masigasig itong magipon sa MySSS Pension Booster. Siguradong malaki ang maibabalik sa inyo.
Kung napagdesisyunan nang sumali sa Voluntary MySSS Pension Booster, maaaring magbabayad anumang oras basta’t may Payment Reference Number (PRN) na ige-generate sa My.SSS. Bago magpasok ng kontribusyon para sa MySSS Pension Booster Voluntary, siguruhing bayad na ang SSS contribution sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kailangang bayad na ang SSS contribution para sa buwan ng Mayo bago magbayad ng investment contribution sa Voluntary MySSS Pension Booster.
Para sa employed members, sila ay makakapag-contribute ng MySSS Pension Booster Voluntary kung sila ay mayroong hindi bababa sa isang posted contribution sa regular Social Security (SS) program sa nakalipas ng tatlong buwan. Tandaan na may minimal na 1% management fee na icha-charge sa total accumulated account value ng miyembro.
Sa ikalima o higit pang taon, maaari nang ma-withraw ng miyembro nang partial o full ang kaniyang naipon sa Voluntary MySSS Pension Booster. Sa mga miyembro na nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon ay maaari namang magsagawa ng partial o full withdrawal ngunit magkakaroon ito ng reduced income na nakadepende sa taon ng pagmi-miyembro sa programa.
Tandaan na walang withdrawal ang maaaring gawin sa unang taon maliban kung may kinakaharap na extreme hardship situation ang miyembro. Ilan sa halimbawa nito ay ang critical illness, involuntary separation from employment, repatriation mula sa host country (kung OFW), at iba pang kaparehong situation na na-determina ng SSS.
Bagamat maaari niyong kunin ang inyong ipon sa loob ng limang taon kung kinakailangan, mas hinihikayat pa rin natin ang lahat na huwag itong galawin hanggang sa kayo ay magretiro. Ang pinakamagandang feature nito ay wala itong lapsation o hindi kinakailangang magrenew kahit lagpas limang taon. Guaranteed na ang inyong ipon ay intact pa rin at siguradong may kitang interes kada taon.
Para sa interesado sa Voluntary MySSS Pension Booster, mag-enrol lamang sa pamamagitan ng inyong My.SSS Account.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.