Dear SSS,
Ano po yung bago ninyong programang may kinalaman sa investment? Narinig ko kasi sa aking kaibigan na pwede daw mag-invest ang SSS members sa inyo? Pwede mo ba itong talakayin sa susunod na column? Salamat po! – Ronald, Baguio City
Mabuting araw sa’yo, Ronald. Ang tinutukoy mo ay ang Workers’ Investment and Savings Program o WISP. Ito ay isang mandatory provident fund na pinamamahalaan ng SSS at nagsisilbing karagdagang savings mechanism para sa mga miyembro. Inilunsad ang WISP noong January 2021 bilang pagsunod sa probisyon ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Layunin ng programang ito na madagdagan ang matatanggap na benepisyo sa ilalim ng SSS regular program ng mga miyembrong wala pang final claim tulad ng Total Disability, Retirement at Death Benefit.
Automatic na kabilang sa WISP ang mga miyembrong nagbabayad ng kontribusyon na lagpas sa P20,000 ang Monthly Salary Credit (MSC). Halimbawa, sa MSC na P20,500, ang katapat na buwanang kontribusyon nito ay P2,665.00. Sa halagang ito, P2,600 ay mapupunta sa regular na SS contribution, samantalang ang P65.00 ay mapupunta sa kanyang WISP account. Isa pang halimbawa, kung ang isa namang miyembro ay nagbabayad sa maximum Monthly Salary Credit na P25,000.00 batay sa 13% contribution rate, ang kanyang buwanang SSS contribution ay P3,250.00. Mula rito, ang P2,600.00 ay mapupunta sa kanyang regular na SS contribution samantalang ang sobrang P650.00 ay mapupunta sa kanyang WISP account.
Para sa isang employed member, ang WISP contribution ay paghahatian nila ng kanyang employer tulad sa sharing ng regular SSS contribution na kung saan ang 4.5% ay manggagaling sa empleyado at 8.5% naman sa employer. Samantala, sasaluhin ng mga self-employed, voluntary, at non-working spouse members ang kabuuang halaga ng kanilang SSS contribution, kabilang na rito ang para sa kanilang WISP. Ibig sabihin, sabay na binabayaran ang regular SS contribution at WISP.
Anumang halaga na ilalaan ng miyembro sa kanyang WISP account ay gagamitin ng SSS sa investment. Anumang kita o “accumulated value” mula rito ay ibabalik nang proporsyonal sa miyembro sa oras na tatanggap na siya ng SSS final benefit claims tulad ng Retirement, Total Disability, at Death Benefits. Kung tinatanggap ang Retirement o Total Disability sa pamamagitan ng buwanang pensyon o lumpsum, ganoon din ang pamamaraan na pagtanggap ng kanilang WISP benefit.
Sa pinakahuling datos ng SSS, aabot na sa P333.77 milyon ang kinita ng WISP sa unang taon ng implementasyon nito na kung saan ang 6.39% nito ay naibalik na sa mga miyembro.
Sa mga datos na ito, napatunayan na ang WISP ay ligtas na investment program para sa mga SSS members. Bukod pa riyan, buong buo pang matatanggap ng miyembro ang kaniyang benepisyo dahil tax-free ito. Sa dumaraming investment schemes na nagaalok ng malaki at nakakasilaw na return of investment (ROI), mas makakabuting huwag magpadalos dalos at suriin muna nang husto ang mga ito. Kung susuriin niyo ang WISP, makikita na siguradong ligtas ang pera niyo dito.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.