Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng isang grupo mula sa malaking unibersidad dito sa Pilipinas, napagalaman nilang dumarami na sa mga Pinoy ang interesadong pumasok sa investments. Halimbawa nito ay ang pagkuha ng mga condominiums na maaaring iparenta para mayroon silang passive income o kaya mga start-up businesses na nakikita natin online. Malaki kasi ang naging epekto ng pandemya sa mindset ng karamihan sa Pinoy, lalo na ang mga nawalan ng trabaho. Kaya naman nakita ng karamihan sa atin ang kahalagahan ng pagsusubi ng pera at pagpapalago nito sa pamamagitan ng investments at negosyo.
Sa kagustuhan ng SSS na tulungan ang bawat miyembro nito na harapin ang kanilang kinabukasan na walang pagaalinlangang pampinansyal, inihahandog ng aming ahensya ang WISP Plus o Workers’ Investment and Savings Program (WISP) Plus.
Ang WISP Plus ay isang voluntary provident fund para sa mga SSS members na wala pang final claim sa ilalim ng SSS regular program tulad ng Retirement, Death at Total Disability.
Mas pinalawak ang sakop ng WISP Plus kung ikukumpara sa WISP. Sa WISP kasi, tanging ang mga miyembro lamang na may Monthly Salary Credit na mas mataas sa P20,000 ang otomatikong kasali. Ngayon, sa ilalim ng WISP Plus, maaari nang sumali ang lahat ng mga SSS members, kahit magkano pa man ang kanilang inihuhulog na kontribusyon o Monthly Salary Credit.
Madali lang sumali sa programa ng WISP Plus. Kinakailangan ay mayroon kang My.SSS account at mag-log-in sa www.sss.gov.ph. I-click ang “Enroll to WISP Plus” na nasa ilalim ng Services tab, at basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.
Ang minimum na kontribusyon sa WISP Plus ay P500.00 kada bayad. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang i-generate gamit rin ang iyong My.SSS account.
Kung ikaw ay employed member at nais mong maghulog sa WISP Plus, kinakailangan na mayroon kang kahit isang buwang hulog ng SSS contribution sa loob ng nakalipas na tatlong buwan. Kung ikaw naman ay Voluntary, Self-employed o OFW member, maaari mong bayaran ang iyong WISP Plus contribution kasabay ng pagbabayad ng iyong SSS contribution. Maaari itong bayaran nang hiwalay mula sa SSS contribution o sabay na.
Ang kontribusyon sa WISP Plus ay iinvest ng SSS na naayon sa requirements nito na liquidity, safety, security, at yield. Sa bawat katapusan ng taon, magkakaroon ng investment income na batay sa interest rate na idineklara ng SSS. Anumang earnings mo sa iyong investments ay makikita sa iyong My.SSS account kaya masusubaybayan mo ang paglago ng iyong pera kada buwan at taon.
Sa unang taon, walang withdrawal ang maaaring gawin dahil may one year holding period sa ilalim ng WISP Plus. Maliban na lamang kung may kinakaharap na extreme hardships ang miyembro tulad ng matinding pagkaksakit, hindi inaaasahang pagkakatanggal sa trabaho, kung narepatriate ang isang OFW o iba pang kaparehong sitwasyon na nadetermina ng SSS, pahihintulutan na mag-withdraw ng earnings sa WISP Plus account ang miyembro. Ang halaga ng maaari i-withdraw ay nakadepende sa taon o tagal mo nang nag-iinvest sa WISP Plus. Sa ikalawa hanggang ikaapat na taon, maaaring mag-withdraw pero mayroon itong reduced income. Sa ikalima at higit pang taon, maaari nang ma-withdraw ito nang buo. Kaya pinapayuhan namin ang lahat ng miyembro na hangga’t walang mahalagang paggagamitan ng pera ay huwag munang magwithdraw sa inyong WISP Plus account para garantisadong malaki ang kikitain nito.
Sa mga interesado sa WISP Plus, bisitahin lamang ang aming opisyal na Facebook page, ang Philippine Social Security System para sa karagdagang detalye o kaya ay mag log in sa inyong My.SSS account para doon mag-enrol sa programa.
Postscript: Sa ngalan ng aming President and CEO Michael Regino at sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng SSS, nais kong ipa-abot ang aming pagbati ng masayang Pasko at mapayapang pagsalubong sa bagong taon! Kita kita po tayo sa susunod na taon para sa marami pang impormasyon hatid sa inyo ng inyong Social Security System!
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.