Nais ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na bigyan ng prayoridad ang pagkakaroon ng mabilis na pagsasagawa ng pagbabakuna at pagbibigay ng ayuda habang hinihintay ang mga bakuna contra-COVID-19.
“Magkakaugnay dapat ang programa ng bakuna, testing, contact tracing at ayuda kasi kailangan talaga ng tao ng makakain sa panahon ng pandemya,” pahayag ni Cayetano.
Aminado si dating Speaker Alan Peter Cayetano na nahuhuli ang bansa sa pagbabakuna kumpara sa ibang bansa sa Asya. Tantya niya ay anim na buwan hanggang isang taon na mauunang makausad ang mga kapitbahay na bansa ng Pilipinas. Dahil dito apektado daw ang turismo at kabuhayan tulad sa Baguio at iba pang lugar na kilala sa kanilang mga tourist sites.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 cases sa bansa lalo na sa Metro Manila, nababahala ni Cayetano na tila nahuhuli ang Pilipinas sa pagbibigay ng stimulus package o ayuda sa mamamayan kumpara sa ibang bansa sa Asya ngayong panahon ng pandemya.
Sa kabila ng kakulangan ng nasabing “stimulus package”, nalulungkot si Cayetano dahil makalipas ang mahigit isang buwan pagkatapaos nila ihain ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng ayuda na nagkakahalagang P10,000 kada pamilya ay hindi pa din nagkakaroon ng kahit isang hearing sa Kongreso.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na hindi siya nawawalan ng pag-asa na tutugon ang Kongreso sa higit na pangangailangan ng mga tao ngayong umaabot na sa higit 5,000-7,000 kaso ng COVID-19 kada araw sa bansa.
Sa ngayon, umaabot pa lamang sa $10B ang ipinalabas na stimulus package ng Pinas at dalawang tranches na tig limang libong piso. Malayo anya ito sa $75B na stimulus package ng Thailand, $60B Malaysia, $40B Singapore, $30B Indonesia at $20B sa Vietnam.
Muli siyang nanawagan sa mga kapwa kongresista na madaliin ang pagtalakay at pagpasa sa Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program o mas kilala bilang “10K ayuda bill”. Target ng bill na matulungan ang mga pamilyang Pilipino lalo na ang mga poorest of the poor at yung mga residenteng nawalan ng trabaho o lumiit ang kita tulad ng mga jeepney at tricycle drivers.
Sa nasabing panayam, pinuri din ni Cayetano ang pamunuan ni Mayor Benjamin Magalong sampu ng bumubuo sa lokal na pamahalaan ng Baguio sa kanilang puspusang information campaign para magpabakuna ang mga tao lalo na ang kanilang contact tracing system na nakakaatulong ng malaki sa paglaban COVID-19.
Pinasalamatan niya ang mga local government officials sa buong rehiyon ng Cordillera sa kanilang patuloy na paghahanda sa vaccine roll-out at binigyang diin niya ang kahalagahan ng mahusay na pamumuno sa panahon ng pandemya. Ngunit, aniya sa kabila ng paghahanda ng mga LGU, nanatiling kapos ang supply na bakuna kaya hindi mabakunahan ang mas nakakarami.
“Behavioral change, pagbabago sa ating pagkilos at pag-uugali at patuloy na bayanihan ang ilan sa mabisang paraan para labanan ang hamon ng COVID-19 ngayong wala pang sapat na bakuna,” ani ng Kinatawan ng Taguig-Pateros.
Sa huli ay nanawagan din siya sa mga Regional Directors ng iba’t ibang ahensiya na magkaroon ng malawakang information campaign para alam ng mga tao kung alin ang mga available na pondo at kung paano sila maaring makilahok sa mga programang pinondohan ng Bayanihan 2 at ng mga regular na programa ng mga nasyonal na ahensya sa ilalim ng 2021 budget.