Tuloy ang pagtakbo ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa pagka-senador sa darating na May 2019 elections.
“Naniniwala tayo na malaki ang maitutulong natin sa bansa sa usapin ng ekonomiya lalo na ngayon na halos walang patid ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Inflation ang pangunahin nating problema sa kasalukuyan at nasasaktan lalo ang mahihirap dahilan sa 60% ng kanilang kita ay napupunta sa pagkain,” pahayag ni Imee.
“Kaya naman ipinaglalaban ko ang agarang pagsuspindi sa VAT kahit isang taon lamang, para agad-agad na mapagaan ang bigat ng sobrang taas ng presyo ng petroleo at pagkain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” paliwanag ng gobernadora.
Ani Marcos, patunay ng kanyang kakayahan ang pagkamit ng Ilocos Norte ng isa sa mga pinakamabilis na poverty reduction rates sa buong bansa – 70% sa population poverty incidence at 80% sa family poverty incidence – “kahit wala kaming mga industrial o Freeport zones o malalaking syudad, at napakalayo namin sa Metro Manila.”
“Dadalhin ko ang tinig ng mga probinsya at kanayunan sa Senado – bilang beteranong lider ng pamahalaang lokal, titiyakin ko na tutugunan ng ating mga batas ang mga kagyat na pangangailangan ng ating mga local na pamayanan sa kabuhayan, edukasyon at kalusugan na siyang mga susi ng kanilang paglaya sa kahirapan,” dagdag pa ni Gov Marcos.
“Kaya nating wakasan ang kahirapan ngayon, sa ating henerasyon! At iyan ay napatunayan na namin sa Ilocos Norte,” wika niya.
Siyam na taong nagsilbi bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte si Imee Marcos bago siya nahalal na gobernador ng lalawigan noong 2010, 2013, at 2016. Tatlong ulit siyang kinilala bilang Outstanding Governor ng bansa.
Tatakbo si Marcos sa ilalim ng Nacionalista Party.
Press Release