Para sa isang SSS member, ang paghuhulog ng buwanang kontribusyon ay parang pagakyat sa isang hagdan. Bawat baitang ay unti-unti silang nakakaakyat papunta sa kanilang layunin na magkaroon ng seguridad sa panahon ng pangangilangan. Bilang isang social security institution, SSS ang kanilang kaagapay para maisakatuparan ito.
Subalit, layunin din ng SSS ang pag-unlad ng bawat miyembro nito sa pamamagitan ng ilang programang tutulong sa kanila na makapag-ipon at palakihin ang kanilang pensyon sa hinaharap.
Ang Mandatory MySSS Pension Booster ay compulsory retirement savings scheme para sa mga SSS member upang makatanggap ng karagdagang benepisyo bukod sa regular SSS benefits gaya ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death at funeral. Sakop nito ang lahat ng SSS members na hindi pa tumatanggap ng final claim sa SSS tulad nang Total Disability, Retirement at Death Benefit at lagpas sa P20,000 ang Monthly Salary Credit (MSC).
Ang enrollment sa Mandatory MySSS Pension Booster ay awtomatiko sa mga miyembrong nagbabayad ng higit sa P20,000 ang MSC. Halimbawa, kung ang isang miyembro ay nagbayad sa ilalim ng MSC na P25,000 batay sa 14% contribution rate, ang kaniyang SSS contribution ay P3,500. Mula rito, mapupunta ang P2,800 sa kaniyang regular Social Security Program samantala ang natitirang P700 ay diretso sa kaniyang MySSS Pension Booster account bilang savings at investment. Pagdating sa employed members, ang kontribusyon sa MySSS Pension Booster ay paghahatian nila ng kaniyang employer na ayon din sa sharing nila sa SSS contributions.
Ang naipong investment fund ng mga miyembro ay ilalagak ng SSS sa investment at anumang kikitain ay ibabalik ng proporsyonal sa miyembro, depende sa halaga ng kanilang kontribusyon. Makikita ang kabuuang kontribusyon at kita sa SSS Inquiry Module sa My.SSS kaya mahalagang magkaroon ng My.SSS account ang bawat miyembro. Ngayon, kampante ang pamunuan ng SSS sa target na 7.2 percent return of investment (ROI) ngayong taon. Malakas at masigla kasi ang ating mercado at ekonomiya ngayon.
Bilang paglalarawan sa 7.2 percent ROI, ipagpalagay natin na ang isang miyembro ay sumali sa MySSS Pension Booster noong January 2023 sa edad na 21 taong gulang. May planong magretiro sa edad na 60 taong gulang at naghuhulog sa ilalim ng maximum Monthly Salary Credit. Dahil 39 years nang naghuhulog ng kontribusyon ang miyembro, ang kanyang buwanang pension ay aabot sa higit P33,536.93 – P16,900 ay regular SSS Pension at P16,636.93 naman ay galing sa MySSS Pension Booster.
Anumang halaga na maiipon ng mga miyembro o ang kanilang total accumulated account value ay matatanggap nila kasabay ng pagtanggap ng kanilang Retirement Benefit o Total Disability Benefit. Ibibigay ito nang lump sum kung ang benepsiyo ay hindi hihigit sa P100,000. Kung higit sa P100,000 naman ay maaaring mamili ng lump sum at annuity lamang sa loob ng 60, 120 o 180 months. Isasabay ang annuity sa monthly pension ng miyembro sa regular SSS program hanggang sa maubos ito o matanggap nang buo ng miyembro.
Dahil as programang ito, garantisadong may karagdagang pensyon ang SSS members. Para naman sa mga miyembrong mas mababa sa P20,000 ang MSC subalit nais ding sumali sa investment program o kaya naman ay kabilang na sa Mandatory MySSS Pesnion Booster ngunit gusto pang madagdagan ang kanilang ipon, maaari rin silang sumali sa Voluntary MySSS Pension Booster na siya namang tatalakayin natin sa susunod na linggo.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.