LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Pinahusay pa ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanilang mga serbisyo sa Rehiyon Uno bilang bahagi ng Civil Registry System Information Technology Project o CRS-ITP Phase II.
Ayon kay Joseph Estoesta, statistical specialist ng PSA-Regional Statistical Services Office 1, “May mga bago po tayong services na na-open na po dito sa CRS outlets. So lahat po ng 62 outlets nationwide, including dito sa Region 1, lahat po tayo ay nasa ITP II.”
“So sa ITP II po na ito ay may mga bagong services po tayo. Maliban po sa birth, marriage, death, Certificate of No Marriage Record (CENOMAR), at authentication na services na meron na available dati pa, meron pong mga nadagdag,” dagdag ni Estoesta.
Aniya, kasama sa mga karagdagang serbisyo ang pagbibigay ng certificate of no death (CENODEATH), Viewable Online o ang online viewing ng mga dokumento, DocPrint o pag-imprenta ng dokumento, at elektronikong pag-endorso.
Kinukumpirma ng CENODEATH na ang rekord ng kamatayan ng isang indibidwal ay hindi lumalabas sa database; ang Viewable Online ay katulad ng pag-iisyu ng isang PSA certificate ngunit hindi naka-print ang kopya at sa halip ay isang link sa dokumento ang ibinibigay sa hihiling nito; habang ang DocPrint ay isang add-on na serbisyo sa Viewable Online na serbisyo.
Sinabi ni Estoesta na ang mga nag-avail ng Viewable Online ay may animnapung araw para tingnan ang dokumento.
Layunin umano ng CRS-ITP na pahusayin ang paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng mas mabilis na pagproseso; at sumasaklaw sa pagbuo ng mga sistema ng aplikasyon, pagkakaloob ng hardware at software, at ang conversion ng mga dokumento sa mga digital na format. By: April Bravo