Kaisa ng mga miyembro ang SSS sa pagnanais na maiangat ang matatanggap nilang benepisyo kapag sila ay nagretiro. Ito ang dahilan kaya ipinatupad ng SSS ang Mandatory Provident Fund Program ng SSS o mas kilala bilang Workers Investment and Savings Program (WISP).
Ano nga ba itong SSS Mandatory Provident Fund? Isa itong compulsory retirement savings scheme para sa mga SSS member upang mkatanggap ng karagdagang benepisyo bukod sa regular SSS benefits gaya ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death at funeral. Sakop nito ang lahat ng SSS members na hindi pa tumatanggap ng final claim sa SSS tulad nang Total Disability, Retirement at Death Benefit at lagpas sa P20,000 ang Monthly Salary Credit (MSC).
Ang enrollment sa WISP ay awtomatiko sa mga miyembro na nagbabayad ng lagpas lagpas sa P20,000 ang MSC. Halimbawa, kung ang isang miyembro ay nagbayad sa ilalim ng MSC na P25,000 batay sa 14% contribution rate, ang kanyang SSS contribution ay P3,500. Mula rito, mapupunta ang P2,800 sa kanyang regular na Social Security Program samantala, ang natitirang P700 ay diretso sa kaniyang WISP account bilang savings at investment. Pagdating sa employed members, ang kontribusyon sa WISP ay paghahatian nila ng kanyang employer na ayon din sa sharing nila sa SSS contributions.
Ang naipong WISP fund ng mga miyembro ay ilalagak ng SSS sa investment at anumang kikitain ay ibabalik ng proporsyonal sa miyembro depende sa halaga ng kanilang kontribusyon. Anumang halaga na maiipon ng mga miyembro o ang kanilang total accumulated account value ay matatanggap nila kasabay ng pagtanggap ng kanilang Retirement Benefit o Total Disability Benefit. Ibibigay ito ng lump sum kung ang benepsiyo ay hindi hihigit sa P100,000. Kung higit sa P100,00 naman ay maaaring mamili ng lump sum at annuity lamang sa loob ng 60, 120 o 180 months. Isasabay ang annuity sa monthly pension ng miyembro sa regular SSS program hanggang sa maubos ito o matanggap nang buo ng miyembro.
Halimbawa, may may isang employed member na nagsimulang maghulog ng SSS contribution sa maximum MSC sa edad na 25 years old. Pagdating sa edad na 60 years old na kung saan siya ay magpepension na sa SSS, ang kanyang total contributions ay aabot sa P924,600 (P307, 800, base sa kanyang hinulog, at P616,800 naman galing sa employer). Kung ang interest income ay 5%, ang total accumulated account value niya ay P1,921,081. Kung ito ay hahatiin sa 180 months, makakakuha siya ng karagadagang P10,673. Tandaan na iba pa ito sa regular na natatanggap niyang pension sa ilalim ng Social Security (SS) Program.
Sa ika-tatlong taon ng WISP, ang pondo nito ay umabot na sa P67.6 bilyon mula sa 5.7 milyong miyembro na mayroong Return of Investment (ROI) 5.76 percent base sa huling estimate noong Setyembre 2023.
Dahil as WISP, siguradong may karagdagang benepisyo ang SSS members. Para naman sa mga miyembrong mas mababa sa P20,000 ang MSC subalit nais ding sumali sa investment program ng SSS, sila naman ay maaaring sumali sa WISP Plus o SSS Voluntary Provident Fund Program na siya namang tatalakayin natin sa susunod na linggo.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.