Dear SSS, ano po itong bagong anunsyo ninyo tungkol sa contribution payment schedule para sa aming mga magsasaka? Isa akong flower grower dito sa La Trinidad at napakaganda ng inyong naisip na magkaroon kami ng espesyal na schedule ng pagbabayad. – Leticia, La Trinidad
Magandang araw sa’yo, Leticia. Ngayong buwan ng Setyembre ay ipinagdiriwang ng SSS ang ika-65th anniversary nito. Kasabay ng pagdiriwang ay ilulunsad ang mga bagong programa para sa mga miyembro bilang pagpapahalaga sa inyong pagsusumikap pati na rin sa inyong karapatang magkaroon ng social security protection.
Kung nabasa mo ang ating kolum noong nakaraang linggo, ang ilan sa mga bagong programa ng SSS ay Consolidation of Past-due Short-Term Member Loans with Penalty Condonation; Contribution Penalty Condonation and Restructuring Program; Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management, and Restructuring Program; Contribution Subsidy Provider Program; at Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees Compensation (EC) Contributions ng magsasaka at mangingisda na kabilang sa informal economy.
Marahil ang huling programang nabanggit ko ang iyong tinutukoy, Leticia. Maliban sa mga magsasaka, pasok din sa programang ito ang mga mangingisda. Batid ng SSS na ang inyong kita ay nakadepende sa inyong ani o huli.
Sa ilalim ng programang ito, ang mga mangingisda, magsasaka, at iba pang mga “seasonal earners” ay maaaring bayaran ang huling 12 buwan ng kanilang SSS contribution. Halimbawa, maaari mo pang bayaran ngayong araw, Leticia, ang iyong SSS contribution mula September 2021 hanggang August 2022. Kung sa orihinal na payment schedule ang pagbabasehan, ang maaari mo lang bayaran ay mula July 2022 hanggang September 2022.
Ano ang magiging implikasyon ng bagong payment schedule na ito kay Leticia at sa mga kasamahan niyang magsasaka at mangingisda? Dahil may pagkakataon pang mabayaran nang tuloy tuloy ang kanilang SSS contribution, malaki ang tsansang makatanggap ng benepisyo ang mga mangingisda at magsasaka gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, death, at funeral.
Malaking bagay din ang programang ito para sa mga miyembrong naghahabol para sa kanilang Retirement Benefit. Kinakailangan kasi na may hindi bababa sa 120 months posted contribution ang isang miyembro para ma-qualify na tumanggap ng buwanang pension.
Hangad ng SSS na magkaroon ang social security protection ang lahat ng manggagawang Pilipino, kabilang ang ating masisipag na magsasaka at mangingisda. Kaya’t sa bawat ani at kita, sana ay makapaglaan sila para sa kanilang buwanang kontribusyon para kapag dumating ang oras na sila ay mangailangan, may SSS silang maaasahan.
Magbibigay ang SSS ng abiso para sa kumpletong detalye ng bagong programang ito. Kaya manatili lamang kayong nakatutok sa ating kolum tuwing linggo.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.