Noong nakaraang kolum, napag-usapan natin ang SSS coverage ng mga self-employed. Ngayon naman ay tatalakayin natin ang tungkol sa SSS coverage program para sa Overseas Filipino Workers (OFWs). Ayon sa Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018, compulsory ang SSS coverage ng OFWs. Ibig sabihin, ang land-based at sea-based OFWs na wala pang 60 taong gulang ay kailangang maging miyembro ng SSS bago sila makalabas ng bansa.
Sa kasalukyan, ang minimum contribution ng OFWs ay P1,120 at P4,200 naman ang maximum contribution. Iba ang contribution payment deadline ng OFWs. October ng kasalukuyang taon ang payment deadline para sa applicable months ng January to September, samantalang January ng sumunod na taon ang payment deadline para sa applicable months ng October to December ng kasalukuyang taon.
Mas pinadali rin ang paraan ng pagbabayad ng OFWs dahil sa mga sumusunod na online at mobile facilities. Nariyan ang SSS Mobile App para makapagbayad ng contribution at loan via Maya, BPI, Credit Card/Debit Card; Mobile App facilities ng AltPayNet, Bayad Center, GCash, Maya, Rewire, Robinsons Bank, Security Bank SBOL, ShopeePay at Union Bank; at website ng AltPayNet, Bayad Center, Land Bank of the Philippines (LBP), Link.BizPortal, Robinsons Bank, Security Bank, Security Bank Corporation SBOL at Union Bank.
Maaari rin magbayad over the counter ang OFWs sa ibang partner banks at non-bank collecting partners abroad. Ilan sa mga ito ay Asia United Bank, Bank of Commerce, Philippine National Bank, Pinoy Express Hatid Padala Services, Inc. at Ventaja International Corporation. Naka-post sa opisyal na Facebook page ng SSS ang kumpletong listahan ng mga maaaring pagbayaran.
Tandaan na ang regular na paghuhulog ng kontribusyon ay may katumbas na pitong benepisyo gaya ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death at funeral. Wala pa riyan ang pribilehiyong makapag-loan sa ilalim ng salary, calamity, at pension loan. Noong 2021, inilunsad din ng SSS ang Mandatory Provident Fund o WISP at Voluntary Provident Fund o WISP Plus kung saan binibigyan pagkakataon ang lahat ng mga miyembro na mag-invest sa SSS para may karagdagang matatanggap sa panahon ng pagreretiro.
Dahil halos lahat ng transaksyon sa SSS ay online na, mahalagang may sariling My.SSS Account ang ating OFW members para kahit nasaan man sila at ano man ang oras ay maaari silang makapag-transact sa SSS. Maaari rin nila ritong i-check and kanilang contribution at loan records upang masigurong posted ang kanilang SSS payments.
Mayroon ding 19 foreign offices ang SSS sa Abu Dhabi, Bahrain, Doha, Dubai, Jeddah, Kuwait, Riyadh, Calgary, Toronto, Vancouver, London, Milan, Rome, New York, Los Angeles, Hongkong, Kuala Lumpur, Singapore at Taipei. May isa rin tayong SSS office sa loob ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Ortigas.
Para sa mga OFWs, pahalagahan natin ang ating SSS membership. Batid namin ang hirap ng pagta-trabaho sa ibang bansa para masuportahan ang inyong mga pamilya kaya’t nais naming makasigurong maproteksyunan kayo ng SSS sa pamamagitan ng aming mga benepisyo at pribilehiyo.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.