Para sa ating column ngayon, ating tatalakayin ang isa sa mga benefit programs ng SSS na may layuning maproteksyonan ang mga miyembro laban sa pagkapinsala o pagkabalda.
Ang benepisyo sa pagkabalda o disability benefit ay ibinabayad ng SSS sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kaniyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kaniyang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala. Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.
Samantala, may dalawang uri ng pagkabalda:
- Permanent Partial Disability
Maituturing na permanent partial disability ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan: isang hinlalaki ng kamay o paa; isang hintuturo; isang hinlalato; isang palasingsingan; isang hinliliit; isang kamay; isang braso; isang paa; isang binti; isa o dalawang tainga; pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata.
Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring apruban o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit.
Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.
Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.
- Permanent Total Disability
Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod: ganap na pagkabulag ng dalawang mata; pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa; permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa; pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda.
Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Ang benepisyong ito ay katumbas na rin ng SSS Retirement Benefit kung saan mas pabor sa mga miyembrong wala pang 60 taong gulang dahilan sa karagdagang P500 kada buwan na kanilang tinatanggap bilang supplemental allowance.
Paalala din sa ating mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS. Kaugnay nito, kailangan din na may sariling My.SSS account ang miyembro na matatagpuan naman sa SSS website, www.sss.gov.ph. Ito’y upang ganap na i-access ang iba’t-ibang online service facilities ng SSS lalo na sa pagpa-file ng iyong mga application para sa loans at benefit claims mo.
Sa layunin naman na makapagbigay ng mas simple, mas mabilis, at mas madaling paraan ng pagpa-file ng Disability Claims, mayroon nang online filing method ang nasabing benepisyo.
Kapag nag-apply online, iba-validate ng system ang kanyang membership record at eligibility niya para sa benepisyo. Ang resulta nito ay ipapakita sa screen.
Ang kwalipikadong miyembro ay kailangang i-upload ang mga sumusunod para makapagpatuloy: Medical certificate (ang validity nito ay six months mula sa petsa ng issuance o accomplishment ng attending physician), at Iba pang dokumento na maaaring hingiin ng SSS base sa evaluation nito.
Sa mga miyembrong pinagrereport ng SSS para sa Physical Examination and Interview (PEI) sa kahit saang Medical Evaluation Center ng SSS Branch ay bibigyan ng 20 days mula sa pagpapadala ng email notification sa kanila para makapag-comply. Kung hindi ito masunod, ire-reject ang application.
Magpapadala din ang SSS ng e-mail at My.SSS notifications para sa mga sumusunod: Acknowledgement ng successful submission; Compliance to report para sa PEI; Approval/rejection/denial ng claim, at/o Iba pang kinakailangang notipikasyon.
Samantala, ang mga sumusunod na kondisyon naman ay kailangang i-file over-the-counter sa SSS branches:
Ang miyembro ay incapacitated, under guardianship o confined sa isang applicable institution; Gagamitan ng Portability Law o Bilateral Social Security Agreement ang claim; May adjustment o for re-adjudication ang claim; Unclaimed benefit ng yumaong miyembro; at Iba pang kondisyon na maaaring madetermina ng SSS.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph. Ang buong detalye naman ng online filing ng Disability Benefit (SSS Circular No. 2022-039) ay makikita sa SSS Circulars section ng www.sss.gov.ph.