Habang isinusulat ko ang kolum na ito ay bakas sa aking mga labi ang kaligayahan dahil sa aming bagong supling ni Misis. Bilang ama na may dalawang anak sa kasalukuyan, katangi-tangi ang aming pagdiriwang ng nakalipas na Valentine’s Day dahil punong-puno ng pag-ibig ang aming pamilya sa buwan na ito at sa mga darating pang araw. Sa loob ng siyam na buwan ay matiyaga naming hinintay ang araw ng kanyang pagsilang at isang malaking biyaya mula sa Panginoon na parehong ligtas at malusog ang aking asawa at bagong anak.
Tunay ngang ang pagdadalang-tao ng isang babae ang isa sa pinakamasaya at pinakamahirap na bahagi ng kanilang buhay. Sa mga bagong pamilya na nagsisimula pa lamang ng kanilang pagpapamilya, napakasaya nito dahil sa wakas ay mabubuo na ang kanilang tahanan sa pagsilang ng kanilang supling. Mahirap, dahil napakalaking sakripisyo para sa mga kababaihan na sa loob ng siyam na buwan ay dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang kanyang anak upang mailuwal ito ng maayos.
Mula sa paglilihi, pagbubuntis at panganganak ay sadyang napakahaba ng listahan ng mga gastusin para sa pagbili ng vitamins, laboratory tests, regular check-ups at professional fee ng OB, bayad sa ospital atbp. Kasunod dito naman ang mga taong gugulin para mapalaki at mapag-aral ng maayos ang ating mga anak bilang bahagi ng ating responsibilidad ng pagiging magulang.
Sa panahong kagaya nito, malaki ang maitutulong ng SSS sa pamamagitan ng Maternity Benefit kung saan lahat ng mga kababaihang miyembro nito ay maaaring makinabang sa Expanded Maternity Leave Law na ipinatupad noong March 11, 2019 sa bisa ng Republic Act 11210.
Sa ilalim ng bagong batas, pinalawig na sa 105 araw ang maternity benefit, normal man o ceasarian, at may karagdagang 15 o 120 days kung solo parent.
Maaari ding ibigay ng miyembro ang pitong araw mula sa 105 araw na maternity leave sa kanyang asawa o sa kanyang inatasang caregiver. Kung ilang araw ang ibibigay ng miyembro, ay siya namang ibabawas mula sa kanyang 105 araw na leave. Halimbawa, kung ibinigay ng miyembro ang buong pitong araw sa kanyang asawa, 98 araw na lang ang babayaran ng SSS sa kanya. Kung gagamitin ng empleyado ang pribilehiyong ito, kinakailangang ipaalam niya sa kanyang employer kung ilang araw ang ipapasa nito sa kanyang asawa o caregiver. Samantala, kailangang magpasa ng written notice ang asawa o caregiver sa kanilang employers upang maabisuhan sila kung kailan gagamitin ang nasabing leave.
Kung hindi pa sapat ang 105 araw, maaari pang humingi ang miyembro ng karagdagang 30-day leave o isang buwang extension sa employer. Subalit, wala na itong bayad. Kung nagkaroon naman ng miscarriage o emergency termination ang pagbubuntis, 60 araw naman ang babayaran sa miyembro.
Unlimited na rin ang benepisyong ito, hindi katulad noon na hanggang apat na pagbubuntis o pagkakunan lamang ang binabayaran ng SSS. Ibig sabihin, kahit ilang beses pa manganak ang miyembro at kung pasok sila sa qualifying conditions ay makatatanggap sila ng maternity benefits.
Napakalahalaga lamang na may halos tatlong buwang hulog ang miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak o pagkakunan. Halimbawa, kung manganganak ang miyembro sa Mayo 2020, dapat ay may tatlong buwan siyang hulog mula Enero hanggang Disyembre 2019, dahil hindi isinasali sa bilang ang semester of contingency mula Enero hanggang Hunyo 2020 sa bilang ng komputasyon ng benefit.
Kinakailangan lamang na makapag-file ng Maternity Notification ang miyembro sa oras na malaman niya na siya ay nagdadalang-tao. Kung siya ay isang empleyado, kailangan niyang magpasa ng Maternity Notification sa kanyang employer. Kailangang ilakip dito ang Ultra Sound Report mula sa kanyang doctor. Kung ang miyembro naman ay Voluntary, Self-Employed, Non-Working Spouse o OFW, kailangan nila magpasa ng Maternity Notification sa mismong SSS branch na malapit sa kanilang lugar o kaya’y sa SSS Mobile App na matatagpuan sa Google Play Store para sa mga Android cell phones.
Malaki ang matatanggap ng isang kwalipikadong miyembro sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law. Ang mga nagbabayad ng pinakamataas na kontribusyon na may kasalukukyang maximum monthly salary credit (MSC) na P20,000 o buwanang kontribusyon na P2,400 ay makatatanggap ng maximum na benepisyo na nagkakahalaga ng P70,000. Samantala, kung ang MSC ng miyembro ay P10,000, makatatanggap naman ang ating female member ng halos P35,000.
====
Tulad ng lagi nating paalala, kapag mataas ang inihuhulog na kontribusyon sa SSS, mas mataas din na benepisyo at pribilehiyo ang kanyang matatanggap. Sabi nga natin, ang SSS ay ipon na mapapakinabangan ng miyembro at ng kanyang mga legal na benpisyaryo sa oras ng kanilang pangangailangan,
====
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang aking tanggapan ay matatagpuan sa 2/F, SSS Baguio Branch, SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.