Pag-usapan naman natin ngayon ang isa sa pitong benepisyong nakalaan para sa mga miyembro ng SSS, ang Sickness Benefit Program o Benepisyo sa Pagkakasakit.
Ano nga ba ang benepisyong ito? Ang Sickness Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa kanilang pagkakasakit o natamong pinsala sa katawan. Para mag-qualify sa sickness benefit, nakapagbayad dapat ang miyembro ng hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit. Kinakailangan din na siya ay nagkasakit sa loob ng apat na araw o higit pa, home or hospital confinement man ito at nakapagbigay ng kaukulang notipikasyon sa kanyang employer hinggil sa kanyang pagkakasakit, kung employed man. Kabilang na rin dito ay dapat ubos na rin ang kanyang company sick leaves upang makapag-file ng benepisyong ito.
Sa kaso naman ng mga self-employed, voluntary at OFW members, kailangan namang nabigyang abiso nila ang SSS hinggil sa kanilang pagkakasakit.
Upang makapag-claim, kinakailangan na nagpasa ng Sickness Notification sa employer ang miyembro kung siya ay empleyado ng kumpanya. Samantala, ang mga hiwalay na sa trabaho, self-employed, at voluntary members ay kailangang mag-submit ng Sickness Notification sa alinmang sangay ng SSS. Napakahalaga na i-fill-out ng kanyang doktor ang medical findings sa nasabing form kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakasakit o confinement.
Simula Agosto 18, 2015, ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ay binigyan ng karagdagang 30-day grace period bukod sa limang araw na prescriptive period ng pagpa-file ng kanilang aplikasyon dahil alam naman natin na malayo ang kanilang pinagtatrabahuhan sa mga SSS Foreign Offices na nasa ibang bansa.
Napakahalaga lamang na tandaan ang 10-day notification period kung saan kinakailangan ng employed member na siya ay makapag-notify sa kanyang employer sa unang araw ng kanyang pagkakasakit. Gayundin, binibigyan ang mga employer ng karagdagang limang araw upang makapag-bigay alam ito sa SSS. Kung sakaling maantala ang pag-notify ng empleyado sa employer at ng employer sa SSS, may kaukulang pagbabawas sa maaaprubahang bilang ng araw ng pagkakasakit ng empleyado.
Kung na-admit naman ang miyembro sa ospital, maaari niyang ipasa ang kanyang sickness application sa loob ng isang taon mula sa araw ng kanyang pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Kung home confinement naman, responsibilidad ng employee-member na ipagbigay-alam sa employer ang kanyang pagkakasakit sa loob ng limang araw matapos ang unang araw ng kanyang pagkakasakit. Pagkatapos nito, ang employer naman ang ang magbibigay ng notification sa SSS sa loob ng limang araw matapos matanggap ang notipikasyon mula sa kanyang empleyado.
Ang susunod nating katanungan ay magkano ang maaaring matanggap na sickness benefit ng isang miyembro
Ang halaga ng benepisyong ito ay katumbas ng 90% ng Average Daily Salary Credit (ADSC) ng miyembro. Dapat nating tandaan na ang Monthly Salary Credit o MSC ay isa sa mga batayan sa pag-compute ng inyong Sickness Benefit at lahat ng benepisyo at pribilehiyo sa SS. Ito kasi ang nagsisilbing compensation base para sa kontribusyon at mga benepisyo na batay sa buwanang kita ng isang SSS member. Simula April 2019, ang maximum MSC ay P20,000 mula sa dating MSC na P16,000.00.
Para sa detalyadong paliwanag, tingnan natin ang kaso ni Clinton na nagkasakit at na-confine sa ospital ng 20 araw mula Enero 1 hanggang Enero 21, 2020.
Alamin natin ang semestre ng kanyang pagkakasakit. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na quarter. Samantala, ang quarter naman ay kinapapalooban ng tatlong magkakasunod na buwan at nagtatapos sa buwan ng Marso, Hunyo, Setyembre at Disyembre. Sa kaso ni Clinton, ang kanyang semestre ng pagkakasakit ay mula Oktubre 2019 hanggang Marso 2020, kung saan hindi natin ibibilang ang kanyang mga kontribusyon sa panahong ito.
Magbibilang tayo ng 12 buwan paatras mula sa semestre ng pagkakasakit ni Clinton. Ito ay mula Oktubre 2018 hanggang Setyembre 2019 kung saan nakapaghulog dapat siya ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Kung buo ang kanyang hulog sa nakalipas na isang taon, pipiliin natin ang anim na pinakamataas na MSC at susumahin ito upang malaman ang kanyang total MSC. Matapos nito ay kailangang divide naman ito sa 180 araw para malaman ang kanyang Average Daily Monthly Salary Credit (ADSC), na siya namang imu-multiply sa 90% para makuha ang halaga ng daily sickness allowance ni Clinton. Para makuha ang total sickness benefit, kailangang sumahin ang kanyang daily sickness allowance sa bilang ng araw na naaprubahan ng SSS para sa kanyang pagkakasakit.
Ipagpalagay natin na ang lahat ng Monthly Salary Credit ni Clinton sa loob ng Oktubre 2018 hanggang September 2019 ay P16,000. Kukuha lamang tayo ng anim na buwan mula rito, kaya ang kanyang kabuuang MSC ay P96,000 (P16,000 x 6). Lalabas na ang ADSC ay P533.33 (P96,000.00/180). I-multiply ang P533.33 sa 90 porsyento para malaman ang daily sickness allowance. Batay sa ating computation, ang daily sickness allowance ni Clinton ay P480.00.
Sabihin natin na ang naaprubahan ng SSS para sa sickness benefit ni Clinton ay 20 days. Lalabas na ang kanyang kabuuang Sickness Benefit ay nagkakahalaga ng P9,600.00 (P480 x 20 days). Mas malaki ang maaaring matanggap ng miyembro kung mas malaki din ang kontribusyong inihuhulog niya sa SSS.
Importanteng malaman ng miyembro na ang Sickness Benefit ay ina-advance ng employer. Ibig sabihin, ang employer muna ang magbabayad ng benepisyo sa kanyang empleyado at sila na ang bahalang mag-file ng reimbursement sa SSS. Ito ang nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 batay sa naamyendahang batas na Republic Act 8282.
Samantala, ang self-employed, voluntary, at OFW members ay makakatanggap din ng Sickness Benefit basta’t pasok sila sa ating nabanggit na mga qualifying conditions. Ang pagkakaiba lamang nito ay diretsong i-credit ng SSS ang kanilang sickness benefit proceeds sa bank account ng miyembro kung saan siya nag-open ng account na akreditado rin ng SSS.
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SS na nais ninyong pag-usapan. Ang aking tanggapan ay matatagpuan sa 2/F, SSS Baguio Branch, SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.