Humirit si dating House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ng isang “defeat-COVID” budget para sa taong 2022 ilang araw bago ang pinakahuling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Muli rin niyang pinatampok ang pangangailangan na magkaisa ng mga pulitikong nais tumakbo sa mas mataas na posisyon sa gitna ng mga problemang hatid ng pandemya sa bansa.
Inanyayahan ng mambabatas ang publiko na busisiin ang 2022 budget upang masiguradong naglalaman ito ng mga programang tunay na makakatulong sa bansa upang makaahon sa krisis pang-ekonomiyang dulot ng COVID-19 pandemic.
Nakatakdang pag-usapan ng Kongreso ang 2022 budget sa muling pagpupulong nito simula sa susunod na linggo.
“Eto ang una nating titignan pagdating ng 2022 budget: Is it a defeat-COVID budget or is it an election budget? Iba yung programa kung gusto mong manalo lang yung kandidato mo, at iba yung programa kung gusto mong matalo yung COVID,” sabi ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano, maraming kailangang gawin ang gobyerno upang magapi ang COVID na hindi magiging popular sa taumbayan, ngunit dapat unahin ng mga pulitiko ang pagliligtas sa buhay at kabuhayan ng mamamayan kaysa sa pagpapabango habang papalapit ang pambansang eleksyon sa Mayo 2022.
“Madali pong sabihin sa SONA, madaling sabihin sa publiko na may budget yan, priority yan, pero pagdating ng budget andun ba o wala,” sabi ni Cayetano, patungkol na rin sa pinakahuling State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa July 26.
Mungkahi ni Cayetano na i-prioritize ng Kongreso ang pagpondo sa 6,000 bagong community health centers upang punan ang kawalan ng lokal na pagamutan sa tinatayang 45 porsyento ng mga barangay sa bansa, pati na ang pagresolba sa mga alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.
Itinampok din ni Cayetano ang pangangailangan na magkaisa ng mga pulitiko na nais tumakbo sa 2022, habang pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag maliitin ang pagdurusa ng milyun-milyong Pilipino sa gitna ng pandemya.
“Bakit natin pag-aawayan yung kamusta ang performance ng gobyerno when we could all agree na we can do better? Hirap ang tao, let’s not underestimate ang paghihirap ng tao,” sabi ni Cayetano.
Dagdag pa niya, dapat sikapin ng mga tao sa gobyerno na magtulungan imbes na magbangayan upang pagbutihin pa ang trabahong ginagawa na ng administrasyong Duterte.
“Sa ngayon, we need some form of unity and consensus building to solve the problems we have right now,” sabi niya.
Binigay ni Cayetano ang mga komentong ito nitong Biyernes, July 23 bago ang isang Sampung Libong Pag-Asa event sa Caloocan City kung saan nabigyan ng tig-P10,000 tulong-pinansyal ang nasa 415 indibidwal. Umabot na sa 6,800 pamilya sa iba’t ibang panig ng bansa ang natulungan ng nasabing programa, na inilunsad sa Caloocan nito lang Mayo.###