TAGUIG CITY, June 25, 2021 — Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaroon ng programang pangkabuhayan na magtuturo sa pamilya ng mga Pilipinong marino na magtayo ng negosyo upang sa oras na magdesisyon ang mga marino na manatili na sa lupa ay may madatnan silang pagkakakitaan.
“Kasi ang napansin ko, ang pamilya minsan nakaasa d’un sa OFW. Pero pwede kasi na habang kumakayod — sabi nga eh “kayod marino” — ‘yung ating mga OFW, meron po sa pamilya na pinag-aaralan na ‘yung negosyo na gusto n’ung pamilya n’ya,” wika ni Cayetano noong June 25 sa pagsasagawa ng Sampung Libong Pag-Asa program bilang selebrasyon ng International Seafarers Day.
Aniya, marami sa mga Pilipinong marino ay nais nang huminto sa pagtatrabaho sa laot pagkatapos ng 15 hanggang 20 taon kaya mahalagang magamit ng kanilang pamilya nang tama ang kanilang mga naipon.
“After a while sasabihin nila ayaw na nilang malayo sa pamilya nila, gusto man lang nila college ang anak nila makita man lang nila at ‘yung inipon ay magamit nang tama,” wika ng dating Speaker.
Bilang pagtanaw sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas, namahagi ng tig-P10,000 ayuda si Cayetano at ang kaniyang mga kaalyado sa 200 Pilipinong marino.
Marami sa kanila ay anim na buwan o higit nang naka-line up at naghihintay na makasampa ng barko. Mayroon ding mga nakatakda nang sumampa nguni’t napurnada dahil sa magkakaibang COVID-19-related restrictions sa mga port.
Ang mga benepisyaryo ay nagmula sa Quezon City, Caloocan, Taguig, Manila, at iba pang panig ng bansa.
“Wala kaming source of income kundi makabalik sa dati naming trabaho,” wika ni Jose Ramping, isa sa mga benepisyaryo na anim na buwan nang nasa waitlist ng kaniyang kumpanya.
Aniya, wala ring trabaho ang kanyang asawa sa probinsya. Ang mga ipon lamang niya ang pinagkukunan ng panggastos ng kaniyang pamilya.
Matapos makarinig ng mga kwentong tulad nito, nanawagan din si Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno na palaguin pa ang kanilang mga programang pantawid para sa mga marino.
“Sigurado naman silang (mga marino) makakasweldo eh. So I think, dapat maging mas progressive po ang ating mga ahensya, whether POEA, OWWA, DFA, na kung kailangan ng five, 10, 20 thousand pesos ang seafarers pantawid lang po, [ibigay natin],” pahayag niya.
“Kasi kung hindi mo pinatawid, grabe po ang hirap na idudulot sa pamilya. Halimbawa po nagkasakit sila, eh ‘di hindi na sila makakaalis, eh ‘di lalong problema ng gobyerno ‘yung buong pamilya nila,” dagdag niya.
Inilunsad ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang Sampung Libong Pag-Asa noong Mayo 1 upang mabigyan ng tig-P10,000 ang mga pamilyang lubos na tinamaan ng pandemya upang makabili ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at makapagtayo ng maliit na negosyo.
Simula noon ay 3,000 pamilya na ang natulungan ng programa.
Bago pa man ang Sampung Libong Pag-Asa ay inihain na ng grupo ang 10K Ayuda Bill na naglalayong mabigyan ng P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino sa gitna ng pandemya.
Kinonsidera ito ng House sa ilalim ng Bayanihan 3 na inaprubahan nitong Hunyo 1, nguni’t hindi isinama ang probisyong magbibigay ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya.