Happy New Year sa inyo diyan sa SSS! Itatanong ko lang po kung pwede ko pang bayaran ngayong January 2024 ng aking SSS contribution para sa 4th quarter ng 2023? Voluntary member po ako. Thank you! – Dale, La Union
Happy New Year din sa’yo, Dale! Oo, pwedeng pwede mo pang bayaran ang iyong 4th quarter na contribution sa SSS hanggang January 31, 2024.
Ang pagbabayad ng SSS contribution ay may sinusunod na schedule na dapat tandaan. Para sa self-employed at voluntary members, tuwing huling working day ng buwan kasunod ng applicable month o quarter ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon. Halimbawa, para sa unang quarter ng taon o January, February at March – ang deadline ng pagbabayad ng kontribusyon ay sa April 30.
Noong October 2022, naglabas ang SSS ng panibagong kautusan tungkol sa pagpapalawig ng payment deadline na eksklusibo sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang self-employed members na kabilang sa informal economy. Pinapayagan ng SSS na bayaran sa kasalukuyang buwan ang kontribusyon nila sa nakaraang 12 buwan para bigyan sila ng pagkakataon na makahabol o mabuo ang kinakailangang bilang ng kontribusyon upang ma-qualify sila sa iba’t-ibang benepisyo. Batid kasi ng SSS na hindi regular ang kanilang kabuhayan at may mga buwan lamang na sila ay may kita. Halimbawa, ngayong January 2024, maaari nilang bayaran ang kanilang kontribusyon mula January 2023 hanggang December 2023.
Samantala, iba naman ang payment schedule ng mga OFW members. Para sa kanilang January to September na kontribusyon, maaari nila itong bayaran hanggang sa huling working day ng Oktubre ng kasalukuyang taon. Maaari naman nilang bayaran ang October hanggang December contributions sa huling working day ng January ng sumunod na taon.
Sa mga self-employed, voluntary at OFW member, walang retroactive payment o hindi na maaari pang balikan ang mga gap o buwan na hindi nabayaran sa nakatakdang schedule.
Ang contribution payment deadline naman ng employers ay sa huling working day ng susunod na buwan. Kada buwan at hindi quarterly ang kanilang pagbabayad. Kaya ngayong buwan ng January 2024, dapat ay binabayaran na nila o bayad na ang December 2023 contribution ng kanilang mga empleyado. Sa February naman ang deadline para sa January 2024 contribution. Mayroong 2% penalty kada buwan kung mahuhuli sa pagbabayad ang employer ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado. Sa payment schedules na ito, tandaan na kung tumapat sa Sabado, Linggo o holiday ang nakatakdang payment deadline, maaari silang magbayad sa susunod na working day. Samantala, ang mga kontribusyon lamang na may payment date bago ang semester of contingency ang maisasama sa computation ng mga benepisyo.
Mas pinadali na rin ng SSS ang pagbabayad ng kontribusyon na maaaring gawin sa SSS-accredited payment channels gaya ng mga bangko, payment centers, online banking, at e-wallet facilities.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin ng live sa 96.7 K-Lite FM FB page.